BUCKS KAMPEON SA NBA CUP

KUMAMADA si Giannis Antetokounmpo ng 26 points, 18 rebounds at 10 assists upang pangunahan ang Milwaukee Bucks sa pagkopo ng NBA Cup title kasunod ng 97-81 panalo laban sa Oklahoma City Thunder nitong Martes.

Ang Milwaukee ay naging pangalawang nagwagi ng Cup, kasunod ng championship ng Los Angeles Lakers sa inaugural tournament noong nakaraang season.

Nagdagdag si Damian Lillard ng 23 points para sa Bucks.

Nanguna si Shai Gilgeous-Alexander para sa Thunder na may 21 points subalit bumuslo lamang ng 8-for-24 mula sa field, kabilang ang 2 of 9 mula sa 3-point range. Nagdagdag si Jalen Williams ng 18 points sa 8-of-20 shooting, habang tumipa si Isaiah Hartenstein ng 16.

Binigyan ni Lillard ang Bucks ng 11-point lead sa pagsalpak sa isa sa kanyang signature long range 3-pointers, may 9:08 ang nalalabi sa third quarter. Ang bucket ay kasunod ng back-to-back technical fouls kina Thunder forward Luguentz Dort at coach Mike Daigneault, na nagresulta sa dalawang free throws na isinalpak ni Lillard.

Dinala ng Milwaukee ang 77-64 kalamangan sa fourth period.

Umiskor si Antetokounmpo ng 14 points sa first half at nag-ambag si Lillard ng 12 at abante ang Milwaukee sa 51-50 sa break.

Nanguna si Hartenstein para sa Thunder na may 14 points sa 5-of-5 shooting sa half, sa kabila ng tinanggap na technical foul matapos ang argumento kay Bucks guard Andre Jackson Jr.

Walang koponan ang lumamang ng mahigit limang puntos sa second quarter kung saan na-outscore ng Bucks ang Thunder, 24-22.

Sinimulan ng Thunder ang laro sa 16-9 run, na nagpuwersa sa Bucks na tumawag ng timeout makalipas ang 4 1/2 minuto. Agad sumagot si Lillard, naitala ang pito sa mga puntos ng Bucks na bumanat ng 13-4 run upang kunin ang unang kalamangan, may 3:26 ang nalalabi sa first quarter.

Tangan ng Oklahoma City ang 28-27 advantage papasok sa second, sa likod ng go-ahead 3-pointer ni Gilgeous-Alexander, may 1:22 ang nalalabi sa quarter.

Ipinasok ng Milwaukee ang 34 sa 81 attempts (42 percent) mula sa field, isinalpak ang 17 of 40 (42.5 percent) mula sa 3-point range. Na-outrebound ng Bucks ang Oklahoma City, 52-43, at lumamang ng hanggang 20 points sa second half.

Bumuslo ang Thunder ng 29 of 86 (33.7 percent) mula sa field, ipinasok ang 5 lamang sa 32 attempts (15.6 percent) mula sa long distance.