BUCKS NAMUMURO SA TOP SPOT SA EC

ANTETOKOUNMPO

NAGBUHOS si Giannis Antetokounmpo ng 33 points at balik sa porma ang Milwaukee Bucks nang pataubin ang Philadelphia 76ers, 117-104, nitong Linggo.

Bumawi ang Eastern Conference top seed favourites Milwaukee — tinambakan ng Boston, 140-99, noong Huwebes — sa impresibong panalo kontra third-placed Sixers.

Pinangunahan ni Antetokounmpo ang balanced offensive display ng Milwaukee kung saan limang players ang tumapos sa double figures sa wire-to-wire victory sa Fiserv Forum.

Nakalikom si Antetokounmpo ng 14 rebounds at 6 assists bukod sa kanyang 33-point haul, habang nagdagdag sina Brook Lopez ng 21 points, Khris Middleton ng 19, at Jrue Holiday ng 18 points.

Pinangunahan ni Tyrese Maxey ang Sixers na may 29 points habang nag-ambag si Joel Embiid ng 28.

Ang panalo ay naglapit sa Milwaukee sa pagselyo ng top spot sa Eastern Conference.

May apat na laro ang nalalabi sa regular season, ang Bucks ay nangunguna sa East sa 58-22, sumusunod ang Boston sa 54-24.

Nanatili ang Philadelphia sa third sa 51-27 kasunod ng pagkatalo.

Samantala, sinabi ni Bucks coach Mike Budenholzer na ang ipinakita ni Antetokounmpo ay nagpatibay sa kanyang paniniwala na ang Greek star ang dapat na front-runner para sa regular season MVP award.

“We certainly feel like Giannis is the MVP,” sabi ni Budenholzer. “What he does at both ends of the court — he does everything,” Budenholzer said. “We feel like he’s in the conversation and he should be the guy.”

Sa iba pang laro, naitakas ng Western Conference leaders Denver — hindi pa rin nakasama si Nikola Jokic — ang 112-110 panalo kontra Golden State Warriors.

Nagtala sina Michael Porter Jr. at Jamal Murray ng pinagsamang 55 points para sa Nuggets na nalusutan ang late rally ng Warriors.

Sa Los Angeles, nakopo ni LeBron James ang 107th triple-double sa kanyang career at patuloy ang Lakers sa pag-ahon sa 134-109 panalo laban sa Houston Rockets.

Tumapos si James na may 18 points, 11 assists at 10 rebounds, habang pinangunahan ni Anthony Davis ang scoring ng Lakers na may 40 points.

Sa kanilang ikatlong sunod na panalo ay nanatili ang Lakers sa seventh sa Western Conference, isang puwesto sa labas ng automatic postseason places.

Sa Oklahoma City, tumirada si Kevin Durant ng 35 points laban sa kanyang dating koponan nang ibasura ng Phoenix Suns ang Thunder, 128-118.

Umiskor si Shai Gilgeous Alexander ng game-high 39 points para sa Oklahoma City, na 10th sa Western Conference, isang laro lamang ang angat sa Dallas ­Mavericks.