NAGBUHOS si Bobby Portis ng 27 points at kumalawit ng 13 rebounds habang nagdagdag si Brook Lopez ng 26 points nang pataubin ng short-handed Milwaukee Bucks ang bisitang Chicago Bulls, 105-92, nitong Miyerkoles upang kunin ang No. 1 seed sa Eastern Conference playoffs.
Nakakuha rin ang Milwaukee ng 20 points, 15 assists at 8 rebounds mula kay Jrue Holiday, ang tanging miyembro ng Big Three ng Bucks na naglaro nang matagal. Si Giannis Antetokounmpo ay hindi naglaro dahil sa sore right knee makaraang mag-warm up, at maagang inilabas si Khris Middleton sa first half sanhi ng right knee ailment.
Ang Chicago ay pinangunahan ni Nikola Vucevic na may 21 points at 11 rebounds. Nakaiskor lamang si DeMar DeRozan sa fourth quarter, tinapos ang laro na may 8 points sa 3-of-12 shooting. Nalimitahan si Zach LaVine sa 13 points sa 5-of-17 shooting.
Nakopo ng Milwaukee ang ikatlong sunod na panalo habang nalasap ng Chicago, papasok sa Eastern Conference play-in tournament, ang ikalawang sunod na kabiguan.
Pelicans 138, Grizzlies 131 (OT)
Umiskor si Herbert Jones Jr. ng career-high 35 points at nalusutan ng host New Orleans ang 19-point deficit at ang nakahulagpos na six-point lead ss huling 11 segundo ng regulation upang kunin ang isang puwesto sa Western Conference play-in tournament sa panalo kontra Memphis.
Nagdagdag si CJ McCollum ng 31 points at 10 rebounds, tumipa si Trey Murphy III ng 30 points at nagdagdag si Brandon Ingram ng 24 para sa Pelicans, na nakasisiguro na sa No. 9 seed.
Nagtala si Jaren Jackson Jr. ng 40 points, kabilang ang dalawang free throws sa huling segundo upang ipuwersa ang overtime, nag-ambag si Dillon Brooks ng 25, kumabig si Desmond Bane ng 24 at kumubra si Tyus Jones ng 13 points at 12 assists upang pangunahan ang Grizzlies, na naglaro na wala ang pitong players, kabilang si Ja Morant (left hip soreness).
Mavericks 123, Kings 119
Isinalpak ni Kyrie Irving ang tatlong late 3-pointers at nakipagtuwang kina Luka Doncic at Tim Hardaway Jr. para sa 84 points, upang tulungan ang host Dallas na tumabla sa 10th place sa Western Conference sa panalo laban sa Sacramento.
Tumapos si Irving na may game-high 31 points, gumawa sina Doncic ng 29 at Hardaway ng 24 at pinutol ng Mavericks ang three-game losing streak. Nakawit ng Dallas ang Oklahoma City Thunder sa huling play-in spot sa West, dalawang laro na lamang ang nalalabi.
Nagtala si De’Aaron Fox ng team-high 28 points at kumana si Domantas Sabonis ng 19-point, 11-rebound, 11-assist triple-double para sa Kings.
Nets 123, Pistons 108
Kumamada si Mikal Bridges ng 26 points at nagbigay ng 6 assists upang tulungan ang bisitang Brooklyn na makalayo sa Detroit.
Nag-ambag si Nic Claxton ng 19 points at 7 rebounds para sa Brooklyn at gumawa si Joe Harris ng18 points. Nahila ng Nets ang kanilang kalamangan kontra Miami Heat para sa sixth-best record sa Eastern Conference sa 1 1/2 games kung saan ang Brooklyn ay may dalawang laro na lamang ang nalalabi. Ang sixth-place team ay makaiiwas sa play-in tournament.
Nalasap ng Detroit ang ika-11 sunod na kabiguan at natalo sa ika-22 pagkakataon sa 23 games. Pinangunahan ni R.J. Hampton na may career-high 27 points ang Pistons. Nakakolekta si Jaden Ivey ng l23 points at 10 assists, at tumabo si Jalen Duren ng 18 points at 8 rebounds.
Hawks 134, Wizards 116
Pinangunahan ni Trae Young ang anim na double-figure scorers na may 25 points nang gapiin ng Atlanta ang bisitang Washington.
Nakakuha rin ang Atlanta ng 23 points mula kay John Collins at 19 points at 7 rebounds kay Dejounte Murray. Nagposte naman si Young ng double-double, na may game-high 16 assists.
Napantayan ni Washington’s Daniel Gafford ang game high ni Young sa scoring na may 25 points sa 8-of-10 shooting mula sa floor. Naipasok din niya ang lahat ng kanyang siyam na free-throw attempts at kumalawit ng 10 rebounds para sa kanyang 10th double-double sa season.
Celtics 97, Raptors 93
Nakopo ng Boston ang No. 2 seed para sa Eastern Conference playoffs sa kanilang homecourt win kontra Toronto sa kabila ng paglalaro na wala sina Jayson Tatum, Marcus Smart at Al Horford.
Umiskor si Malcolm Brogdon mula sa bench ng game-high 29 points para sa Celtics, na nakakuha ng 25 points, 11 rebounds at 5 assists mula kay Jaylen Brown. Ang Boston ay angat ng 2 1/2 games sa Philadelphia ngunit tangan ang tiebreaker.
Tumirada si Pascal Siakam ng 28 points at 11 rebounds para sa Toronto, na nakikipaglaban sa Atlanta para sa No. 8 spot sa Eastern Conference standings. Ang Raptors ay 6-for-33 (18.2 percent) lamang mula sa 3-point range.
Sa iba pang laro ay dinispatsa ng Knicks ang Pacers, 138-129, at pinataob ng Clippers ang Lakers, 125-118.