NAGBUHOS si Jrue Holiday ng 40 points upang pangunahan ang Milwaukee Bucks sa 131-125 overtime victory kontra Boston Celtics sa kapana-panabik na duelo sa pagitan ng Eastern Conference heavyweights nitong Martes.
Kabilang sa mga puntos ni Holiday ang pito sa overtime – kasama ang krusyal na three-pointer upang bigyan ang Milwaukee ng kalamangan — habang nahila ng Bucks ang kanilang unbeaten streak sa 11 games.
Nanalasa rin ang 32-year-old two-time All-Star sa third quarter, kung saan nagpakawala ito ng 41-foot bucket upang makalapit ang Milwaukee sa 5 points makaraang lumamang ang Boston ng hanggang 14 points.
Isa ito sa walong three-pointers na isinalpak ni Holiday, na nakakuha ng scoring support kay Giannis Antetokounmpo na tumapos na may 36 points, 13 rebounds at 9 assists.
Umangat ang Bucks sa 40-17 at kalahating laro na lamang sa likod ng Eastern Conference leaders Boston, na nahulog sa 41-17 kasunod ng pagkatalo.
Sumalang ang Boston na wala ang ilang key players, kabilang sina Marcus Smart, Al Horford, Jayson Tatum at Jaylen Brown.
Sa kabila nito, ang depleted Celtics ay nagbantang wawakasan ang winning streak ng Bucks sa harap ng kanilang home crowd sa Milwaukee’s Fiserv Forum.
Narating ng Milwaukee ang half-time na may isang puntos na bentahe, 64-63.
Nanguna si Derrick White para sa Boston na may 27 points habang kumubra si Malcolm Brogdon ng 26 mula sa bench.
Ang lahat ng starters ng Boston ay tumapos sa double figures, kung saan nag-ambag sina Mike Muscala ng 18 at at Blake Griffin at Hauser ng tig-15.