BUCKS PINISAK ANG LAKERS

NAGPASABOG si Giannis Antetokounmpo ng season-high 47 points sa 18-of-23 shooting at nakasambot si Khris Middleton ng pahina sa team history book nang pataubin ng Milwaukee Bucks ang Los Angeles Lakers, 109-102, Miyerkoles ng gabi sa pagsisimula ng kanilang five-game homestand.

Nagposte si Antetokounmpo ng 28 first-half points sa 12-of-13 shooting at tumapos din na may 9 rebounds upang pangunahan ang Bucks sa kanilang unang panalo sa home magmula sa kanilang season opener noong Oct. 19.

Nagdagdag si Bobby Portis ng 17 points at 5 rebounds sa kanyang ika-6 sunod na  start, at nag-ambag si  Pat Connaughton ng 16 points mula sa bench.

Nagbalik si Middleton makaraang lumiban sa walong laro dahil sa COVID-19 protocols at napantayan si  Ray Allen sa ibabaw ng all-time 3-pointers list ng Bucks bilang bahagi ng 16-point effort.

Nanguna si Talen Horton-Tucker para sa  Los Angeles na may 25 points makaraang kumamada ng career-high 28 laban sa Bulls noong Lunes. Nagdagdag si Russell Westbrook ng 19 points at 15 assists para sa Los Angeles, na muling naglaro na wala si LeBron James (abdominal strain).

SUNS 105,

MAVERICKS 98

Binasag ni Jae Crowder ang pagtatabla sa pagsalpak ng dalawang free throws, may 2:34 ang nalalabi nang gapiin ng host Phoenix ang Luka Doncic-less Dallas.

Naitala ng Suns ang kanilang ika-10 sunod na panalo habang nalasap ng Dallas ang ikalawang pagkatalo pa lamang sa pitong laro. Naalis si Doncic sa  lineup nang magpasiya ang Mavericks na bigyan ng panahon ang kanyang sore left knee at ankle na magpagaling.

Nanguna si Devin Booker sa  Suns na may 24 points, at tumipa si Deandre Ayton ng 19 points at kumalawit ng 13 rebounds. Nakakuha ang Dallas ng 22 points mula kay Tim Hadaway Jr. at 21 kay Kristaps Porzingis.

HEAT 113,

PELICANS 98

Kumana si Jimmy Butler, nagbalik mula sa three-game absence, ng triple-double na may 31 points, 10 rebounds at 10 assists upang pangunahan ang Miami laban sa bisitang New Orleans.

Nagtala si Butler ng game-highs sa kanyang totals para sa points, rebounds at assists.

Pinangunahan ang New Orleans, nalasap ang ika-14 na pagkabigo sa 16 games, ni Nickeil Alexander-Walker, na tumabo ng 24 points. Nagdagdag si Brandon Ingram ng 19 points, at gumawa si Josh Hart ng 18 points.

Sa iba pang laro: Hawks 110, Celtics 99; Timberwolves 107, Kings 97; Hornets 97, Wizards 87; Pistons 97, Pacers 89; Nets 109, Cavaliers 99; Trail Blazers 112, Bulls 107; Thunder 101, Rockets 89; Magic 104, Knicks 98