NAGING unang koponan ang Milwaukee Bucks na nakakuha ng puwesto sa NBA playoffs makaraang palubugin ang Phoenix Suns, 116-104, kahapon sa Arizona.
Nagsalansan si Giannis Antetokounmpo ng 36 points, 11 rebounds at 8 assists para sa Bucks na naitala ang kanilang ika-50 panalo sa regular season para higpitan ang kanilang kapit sa ibabaw ng Eastern Conference.
Si Antetokounmpo ay sinuportahan ng 21 points mula kay Brook Lopez habang tatlong iba pang Milwaukee players ang tumapos sa double figures.
Ang Bucks ay angat ngayon sa Eastern Conference ng tatlong laro sa Boston na may 50-19 record sa pagpasok ng regular season sa final stretch nito.
Nanguna si Devin Booker para sa Suns na may 30 points habang tumapos si Deandre Ayton na may 16 points para sa hosts.
Sa iba pang laro, nalusutan ng New York Knicks ang 38-point display mula kay Damian Lillard na kinabilangan ng 8 three-pointers upang gapiin ang Trail Blazers, 123-107.
Tumipa si Immanuel Quickley ng 26 points, kumubra si Julius Randle ng 24 at nagdagdag si RJ Barrett ng 22 sa gabing anim na Knicks players ang nagtala ng double figures.