UMISKOR sina Khris Middleton at Bobby Portis ng tig- 29 points at nanatiling buhay ang injury-riddled Milwaukee Bucks matapos ang 115-92 panalo laban sa bisitang Indiana Pacers sa Game 5 ng kanilang first-round series sa Eastern Conference.
Naipasok ni Portis ang 14 sa 24 field-goal attempts at nakakolekta ng 10 rebounds. Nagdagdag si Middleton ng 12 rebounds at 5 assists at tinapyas ng Milwaukee ang deficit sa 3-2 sa series.
Nakontrol ng Bucks ang laro sa kabila ng pagkawala nina Giannis Antetokounmpo (calf) at Damian Lillard (Achilles).
Si Antetokounmpo ay hindi naglaro sa buong series habang si Lillard ay lumiban sa huling dalawang laro.
Nakalikom si Tyrese Haliburton ng 16 points at nagdagdag si Myles Turner ng 13 para sa Indiana. Gumawa sina Pascal Siakam at Andrew Nembhard ng tig-12.
Nakatakda ang Game 6 sa Huwebes sa Indianapolis.
Kumana si Malik Beasley ng 18 points at sinamahan si Middleton sa pagtala ng apat na 3-pointers. Nagposte si Patrick Beverley ng 13 points at 12 assists, at tumipa si Brook Lopez ng 12 points para sa Bucks.
Na-outscore ng Milwaukee ang Indiana, 64-36, sa dalawang middle quarters.
Bumuslo ang Bucks ng 52.4 percent mula sa field, kabilang ang 11 of 29 mula sa 3-point range.
Cavaliers 104,
Magic 103
Sinupalpal ni Evan Mobley ang tangkang layup ni Franz Wagner, may 5.1 segundo ang nalalabi sa fourth quarter, upang tulungan ang host Cleveland Cavaliers na maitakas ang panalo kontra Orlando Magic sa Game 5 ng kanilang Eastern Conference first-round playoff series.
Nagpasabog si Cleveland’s Donovan Mitchell ng 28 points, at naitala ni Darius Garland ang 17 sa kanyang 23 points sa first quarter. Umiskor si Max Strus ng 16 points, at nakakolekta si Mobley ng 14 points at 13 rebounds para sa fourth-seeded Cavaliers.
“Defensively, he was huge. He had a great block. He guarded it seemed like everybody out on the floor, and that’s what it came down to,” sabi ni Cavaliers coach J.B. Bickerstaff patungkol kay Mobley. “Evan was phenomenal defensively. Containing the ball, challenging shots, forcing misses and helping us rebound.”
Nagwagi ang Cleveland sa lahat ng kanilang tatlong home games upang kunin ang 3-2 lead sa best-of-seven series. Ang Game 6 ay gaganapin sa Orlando sa Biyernes.
Nagdagdag si Marcus Morris Sr. ng 12 points mula sa bench para tulungan ang Cleveland team na hindi nakasama si Jarrett Allen dahil sa right rib contusion na kanyang tinamo sa Game 4. Si Allen ay may average na 17.0 points at 13.8 rebounds sa apat na laro sa series.
Nagposte si Paolo Banchero ng Orlando ng 39 points at 8 rebounds makaraang malimitahan sa 9 points lamang sa 4-of-14 shooting mula sa floor sa Game 4.
76ers 112,
Knicks 106
Humataw si Tyrese Maxey ng playoff career-high 46 points, kabilang ang tying 35-foot 3-pointer, may 15.3 segundo ang nalalabi sa regulation, at naisalpak ni Kelly Oubre Jr. ang tiebreaking layup, may 1:02 ang nalalabi sa overtime at nakaiwas ang bisitang Philadelphia 76ers sa pagkakasibak sa panalo laban sa New York Knicks sa Game 5 ng Eastern Conference first-round series.
Nakatakda ang Game 6 sa Huwebes sa Philadelphia at kung muling mahila ng 76ers ang series, ang Game 7 ay idaraos sa Sabado sa New York.
Nanguna si Jalen Brunson para sa New York na may 40 points.
Nagbuslo si Maxey ng 17-of-30 shots at nagsalpak ng pitong 3-pointers para sa Sixers, na nalusutan ang pag-ika-ika ni Embiid sa buong laro. Nagdagdag si Embiid ng 19 points, 16 rebounds at 10 assists makaraang hindi dumalo sa morning shootaround dahil sa migraine.
Nag-ambag si Tobias Harris ng 19 at tumapos si Oubre na may 14 at bumuslo ang Sixers ng 46.2 percent at 15 of 39 mula sa 3-point range.
Nagdagdag si Josh Hart ng 18 points at nagposte si OG Anunoby ng 17 para sa New York, na bumuslo ng 46.5 percent subalit 10 of 36 lamang mula sa arc.