DINISPATSA ni Giannis Antetokounmpo at ng Milwaukee Bucks ang Orlando Magic, 114-109, upang umusad sa NBA Cup semifinals nitong Martes.
Umiskor si Antetokounmpo ng 37 points na may 7 rebounds at 4 blocked shots para sa Bucks, na umabante sa semifinals ng in-season tournament sa ikalawang sunod na taon at makakaharap ang New York Knicks o Atlanta Hawks para sa isang puwesto sa finals.
Naitala ni Damian Lillard ang 15 sa kanyang 28 points sa fourth quarter at nagbigay ng 9 assists para sa Bucks, na binigyan ng magandang laban ng Orlando sa kabila ng pagliban nina injured Magic stars Paolo Banchero at Franz Wagner.
Bumanat si Lillard ng isang dunk upang bigyan ang Bucks ng 108-107 kalamangan, may 32.6 segundo ang nalalabi, at makaraang magmintis si Orlando’s Jalen Suggs sa isang three-pointer, isinalpak ni Lillard ang pares ng free-throws upang palobohin ang bentahe ng Bucks sa tatlong puntos, may 9.1 segundo ang nalalabi.
Nagdagdag sina Antetokounmpo at Lillard ng tig-dalawang free throws sa final seconds upang selyuhan ang hard-fought victory.
“We fought for this one,” ani Lillard, at sinabing target ng Bucks na mahigitan ang kanilang performance noong nakaraang taon sa inaugural edition ng event kung kailan nagtungo sila sa Las Vegas para sa final stage.
“We didn’t have the greatest experience there last year,” aniya. “So I think all of us are thinking (about) going back and finishing what we started last year and doing it right this time.”
Umiskor si Suggs ng career-high 32 points at kumalawit ng 9 rebounds para sa Magic, na naging mainit ang simula tungo sa 33-25 lead matapos ang isang quarter.
Sa Oklahoma City, sinandigan ni Shai Gilgeous-Alexander ang Thunder sa 118-104 panalo kontra Mavs na naputol ang 118-seven-game winning streak.
Nagbuhos si Gilgeous-Alexander ng 39 points na may 8 rebounds at 5 assists. Nagdagdag si Jalen Williams ng 18 points at kumabig si center Isaiah Hartenstein ng 10 points at 13 rebounds para sa Thunder, na naipasok ang 20 sa kanilang 50 three-point attempts.
Naiposte ng Oklahoma City ang kanilang ika-8 panalo sa siyam na laro at makakabangga ang Houston Rockets o Golden State Warriors sa semifinals.
Hindi kinaya ng Mavs ang top-ranked defense ng Thunder.
Kumamada si Klay Thompson ng 19 points para sa Dallas, nag-ambag si Kyrie Irving ng 17 at nalimitahan si Luka Doncic, galing sa back-to-back triple-doubles, sa dalawang puntos sa first half at tumapos na may 16 points at 11 rebounds.
Matatapos ang quarterfinals sa Miyerkoles kung saan magiging hosts ang Knicks sa Hawks at ang Rockets sa Warriors.
Lilipat ang aksiyon sa Las Vegas para sa semifinals sa Sabado at sa finals sa December 17.