BUCKS WINALIS ANG KNICKS

Bucks

NAGBUHOS si Giannis Antetokounmpo ng 37 points sa loob lamang ng 21 minuto para sa host Milwaukee Bucks na sinelyuhan ang season-long dominance sa New York Knicks sa pamamagitan ng 128-102 panalo noong Martes ng gabi.

Winalis ng Bucks ang three-game season series mula sa Knicks at kailanman ay hindi naghabol sa pag-outscore sa New York ng kabuuang 91 points (383-292).

Nagwagi ang Bucks ng apat na sunod sa kabuuan at siyam sa 10 upang umangat sa NBA-best 36-6. Nalasap ng Knicks, na ang 11-30 record sa kalagitnaan ng season ay third-worst mark sa liga, ang ika-6 na kabiguan sa pito.

Si Antetokounmpo, kumalawit din ng siyam na rebounds at nagbigay ng apat na  assists, ay ikalawang player pa lamang ngayong season na umiskor ng hindi bababa sa 30 points habang naglalaro na mas maikli sa 22 minuto.

Tumipa si Paul George ng 37 points sa loob ng 20 minuto para sa Los Angeles Clippers laban sa Atlanta Hawks noong Nov. 16.

Gumawa si Khris Middleton ng 17 points at nag-ambag sina Ersan Ilyasova ng 14 points mula sa bench at Eric Bledsoe ng 11 points para sa Bucks.

Nagtala si Julius Randle (25 points, 15 rebounds) ng double-double para sa Knicks, habang nagdagdag sina RJ Barrett scored ng 22 points, Bobby Portis ng 20 points at Kevin Knox II ng 10 points mula sa bench.

HAWKS 123,

SUNS 110

Kumamada si Trae Young ng 36 points at muntik nang maka-triple double si Kevin Huerter nang putulin ng Atlanta Hawks ang four-game losing streak sa pamamagitan ng panalo laban sa bumibisitang Phoenix Suns.

Hindi kinakitaan si Young ng masamang epekto ng sore left hamstring na nagpaliban sa kanya sa laro noong Linggo kontra Brooklyn. Umiskor si Young ng 23 sa second half at ipinoste ang kanyang ika-20 laro na may hindi bababa sa 30 points ngayong season.

Si Huerter ay 8-for-14 mula sa floor at umiskor ng 23 points. Nagtala siya ng career highs na 15 rebounds at 8  assists. Naiposte niya ang kanyang unang double-double at ikatlong 20-point game sa season.

Nagdagdag si John Collins ng 22 points at 10 rebounds para sa Hawks.

Ang Phoenix ay pinangunahan ni Devin Booker,  na tumabo ng 39 points – ang ika-8 pagkakataon sa huling 10 games na kumana siya ng 30-plus – at humugot ng 7 rebounds. Subalit napatalsik si Booker sa laro, may 1:35 ang nalalabi makaraan ang technical foul para sa unsportsmanlike conduct.

JAZZ 118,

NETS 107

Napantayan ni Joe Ingles ang career-high 27 points nang palawigin ng Utah Jazz ang kanilang winning streak sa season-high 10 games sa panalo kontra Brooklyn Nets.

Naipasok ni Ingles ang 10 sa 14 shots at gumawa ng 6 sa 8 3-pointers. Napantayan niya ang career-high para sa field goals at halos maipareha ang career-best para sa  3-pointers

Naitala ni Donovan Mitchell ang 14 sa kanyang 25 points sa fourth quarter makaraang hindi maglaro noong Linggo sa Washington dahil sa karamdaman, Naipasok ni Mitchell ang 8 sa 19 tira at naitala ang 14 sa huling 16 points ng Utah.

MAVS 124,

WARRIORS 97

Nagpasabog si Stanford product Dwight Powell ng  game-high 21 points upang pangunahan ang Dallas Mavericks sa pagpapalasap ng ikatlong sunod na kabiguan ng Golden State Warriors.

Nakalikom si Luka Doncic ng kabuuang 20 points sa loob lamang ng 27 minuto para sa Mavericks.

Nanguna si Boban Marjanovic para sa Mavericks na may 11 rebounds at 13 points.

CLIPPERS 128, CAVALIERS 103

Humataw si Kawhi Leonard ng season-high 43 points at dinurog ng Los Angeles Clippers ang bumibisitang Cleveland Cavaliers.

Tumipa si Lou Williams ng 24 points sa 10-of-13 shooting, at nagdagdag si Ivica Zubac ng 12 points, 10 rebounds at 4 blocks para sa Los Angeles. Nag-ambag sina Patrick Beverley ng 10 points, 9 assists at 7  rebounds habang gumawa sina Landry Shamet at Montrezl Harrell ng tig-12 points.

2 thoughts on “BUCKS WINALIS ANG KNICKS”

  1. 612113 956297Hey! Do you know if they make any plugins to protect against hackers? Im kinda paranoid about losing everything Ive worked hard on. Any recommendations? 285350

Comments are closed.