BUCOR CHIEF GREG CATAPANG JR.

magkape muna tayo ulit

KUNG mayroon mang mahusay na itinalaga si PBBM sa kanyang administrasyon upang makatulong sa reporma, isa na rito si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr.

Maraming reporma ang isinagawa ni Catapang sa kanyang ahensiya, lalong-lalo na sa National Bilibid Prison (NBP).

Alam naman natin na ang pamamalakad dati sa NBP ay may bahid ng korupsiyon. May sindikato na kakuntsaba ang ilan sa mga tauhan ng NBP.

Ito nga ang ugat ng pagpasok ni Catapang sa BuCor matapos matuklasan ang mga maling gawain at baho na lumabas noong panahon ni Usec. Gerald Q. Bantag. Hanggang ngayon ay nagtatago at tumatakas sa batas si Bantag.

Imbes na magkaroon ng reporma ang mga kriminal sa loob ng preso, nagpapatuloy pa rin ang mga ilegal na aktibidad nila sa labas, at ginagawa ito sa loob ng NBP. Nakita naman natin noong panahon ng nakaraang administrasyon kung saan malinaw na patuloy pa rin ang operasyon ng ilegal na droga na pinatatakbo sa loob ng NBP. Nagkaroon pa ng labanan ng puwersa ng iba’t ibang grupo upang maging ‘hari’ sa loob ng NBP.

Subalit noong itinalaga si Catapang bilang pinuno ng NBP, nakita natin ang kanyang tapang at pag-unawa sa mga preso. Hindi sa minamaliit ko ang mga dating namuno ng NBP, subalit si Catapang ay dating AFP Chief of Staff. Siya ang kauna-unahang naging AFP chief of staff na namuno sa BuCor.

Sigurado ako na iingatan niya ang kanyang pangalan. Hindi siya papayag na mabahiran ang kanyang reputasyon ng

mga tukso ng mga buwitreng kriminal sa loob ng preso.
Nakausap ko si Catapang noong nakaraang linggo tungkol sa kanyang prinsipyo sa pamamalakad ng BuCor. Ang sabi niya sa akin na ang mahalaga sa lahat para sa mga preso ay dapat na may tinitingala silang Diyos sa buhay nila. Kung hindi sila naniniwala sa Diyos, tiyak na mabubulok sila sa kulungan.

Para kay Catapang ay ang demonyo ang nagtulak sa mga bilanggo upang maging kriminal. Kaya nararapat ay mawala ang demonyo sa kanilang pag- iisip at magkaroon ng malakas na pananampalataya sa ating Panginoon. Iba’t ibang relihiyon ang paniniwala sa loob ng bilibid. Ang mahalaga kay Catapang ay naniniwala sila na may Diyos at kailangan na maging isang mabuting tao at muling makabalik sa lipunan bilang isang mabuting mamamayan.

Isa sa magandang repormang nagawa ni Catapang para sa mga bilanggo ay ang kanyang ugnayan sa Department of Health (DoH) upang magkaroon ng 24/7 healthcare access sa lahat ng mga preso o persons deprived of liberty (PDLs). Ayon kay Catapang, ang National Policy on Promotion and Protection of Health in Jails, Prisons, Custodial Facilities, and Other Places of Detention ay patungo sa “better health outcomes with the automatic inclusion of PDLs in the National Health Insurance Program.”

Sa madaling salita, kasama ng mga bilanggo na magkakaroon ng benepisyo ng PhilHealth. Para kay Catapang, may karapatan din ang mga bilanggo sa benepisyo ng PhilHealth tulad ng mga ordinaryong mamamayan.

“The (PDLs) shall be granted immediate eligibility to PhilHealth packages pursuant to Republic Act No. 11223, otherwise known as Universal Health Care Act,” ang paliwanag ni Catapang.

Sa ilalim ng programa ng BuCor, magdadagdag sila ng serbisyo tulad na pagbakuna, mental health seminars, programa laban sa HIV, feeding programs para sa mga matandang bilanggo, at breast cancer examinations sa mga babaeng preso.
Mabuhay ka, GenCat!