BUCOR NAMAHAGI NG FACE MASKS SA MGA PRESO

BUCOR-2

PINAGKALOOBAN ng mga ‘disposable masks’ ng Bureau of Corrections (BuCor) ang kanilang mga bilanggo at sinabihan ang mga ito na hangga’t maari ay huwag magdikit-dikit upang mapigil ang pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa bansa.

Ayon kay BuCor spokesperson Col. Gabriel Chaclag, sa kasalukuyan ay wala pa silang naitatalang tinamaan ng sakit na COVID-19 sa kanilang pasilidad kabilang ang New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Chaclag na base sa kanilang record ay wala pa silang persons under investigation (PUI) kung kaya’t nananatiling COVID-19 free ang BuCor at sila ay umaasa at nagdarasal na manatili ang ganoong sitwasyon sa kanilang area.

Napag-alaman pa kay Chaclag na ipinagbabawal ang kahit sino mang bisita sa mga pasilidad sa BuCor maliban sa mga nagde-deliver ng pagkain na kailangan munang dumaan sa kanilang stringent screening.

Dagdag pa ni Chaclag, bumili ang BuCor ng mga personal protective equipment pati na rin ang misting machine para sa disinfection.

Bukod sa face masks ay namigay na rin sila sa mga bilanggo ng alcohol.

Samantala, nakikipag-ugnayan ang  BuCor sa lokal na pamahalaan ng Muntinlupa upang ilagay sa ayos ang pakikipagtulungan ng mga ospital kung sakaling magkaroon ng kaso ng COVID-19 sa pambansang kulungan.

Ang BuCor ay may pitong pasilidad sa buong bansa na pinangunahan ng NBP, Correctional Institution for Women, Iwahig Penal Colony, Davao Penal Colony, San Ramon, Sablayan Prison and Penal Farms, at ng Leyte Regional Prison.      MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.