BUCOR OFFICIAL BULAGTA SA TANDEM

tandem

MUNTINLUPA CITY – BINAWIAN na ng buhay ang isang opisyal ng Bureau of Correction (BuCor) na tinambangan ng riding in tandem suspek kamakalawa ng hapon.

Namatay sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at katawan sa Muntinlupa City Medical Center ang biktimang si Chief Insp. Angelito Padilla.

Base sa ulat na nakalap ni Southern Police District (SPD) director Sr. Supt. Eliseo Cruz, nangyari ang insidente dakong alas-3:10 kamakalawa ng hapon malapit sa isang palengke sa Katihan St., Brgy. Poblacion.

Binabagtas ni Padilla ang Katihan Street lulan ng kanyang kulay pulang Nissan Centra na may plakang UUT-211 at nang mapalapit sa isang palengke sa lugar ay biglang sumulpot ang isang walang plakang motorsiklo sakay ang dalawang suspek na naka-helmet na armado ng baril at walang sabi-sabing pinagbabaril si Padilla ng malapitan.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo habang agad namang itinakbo ng mga nakasaksi sa pinaka-malapit na ospital si Padilla kung saan siya binigyan ng karampatang lunas ngunit kinalaunan ay namatay rin sanhi ng mga tama ng bala sa ulo.

Hindi pa rin nagbibigay ng salaysay ang pamilya ni Padilla tungkol sa pangyayari habang nagsasagawa naman ng malalimang imbestigasyon at follow-up operation ang Muntinlupa City police para sa pagkakaki­lanlan ng mga suspek.  MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.