BUCOR OFFICIAL TININGGA SA PAUPAHANG PARKING LOT

baril

MUNTINLUPA – PATAY ang isang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) makaraang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang armadong lalaki kahapon sa Muntinlupa City.

Agad na namatay sa lugar ng pinangyarihan sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na kinilalang si Ruperto Traya Jr., 53, non-uniformed personnel (NUP), Chief Administrative Officer 3 ng BuCor, residente ng Type B, NBP Reservation, Barangay Poblacion, Muntinlupa City.

Base sa isinumiteng report ni Muntinlupa police chief P/Col. Gerry Umayao, nangyari ang insidente dakong ala-1:40 ng hapon sa harap ng gate ng inuupahang parking lot ni Traya na matatagpuan sa 1134 Amparo St., Barangay Poblacion, Muntinlupa City.

Napag-alaman sa imbestigasyon na dumating ang biktima sa lugar at bumaba sa kanyang minamanehong van upang buksan ang gate ng inuupahang parking lot kung saan bigla namang sumulpot ang armadong suspek at walang salitang pinagbabaril si Traya na nagdulot nang agaran nitong kamatayan.

Makaraan ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek lulan ng kanyang minamanehong motorsiklo sa hindi pa mabatid na direksiyon.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang kaso habang inaa­lam naman kung mayroong nakalagay na close circuit television (CCTV) camera sa lugar ng pinangyarihan upang matukoy ang pagka-ka­kilanlan ng suspek sa naturang krimen. MARIVIC FERNANDEZ