BUDGET CARRIERS SINUSPINDE ANG FLIGHTS SA CHINA HANGGANG MARSO

budget carrier

SA GITNA ng mga alalahanin tungkol sa pagkalat ng nakamamatay na novel coronavirus (2019-nCoV), nag-anunsiyo ang budget carriers na Cebu Pacific (CEB) at AirAsia Philippines kamakailan ng kanselasyon ng kanilang flights patu­ngong mainland China hanggang Marso.

Dumating ang anunsiyo ng CEB isang araw matapos nilang mag-abiso na magbabawas sila ng flights sa pagitan ng Filipinas at mainland China.

Tuluyan nang nagdesisyon ang low-cost airline ng bansa na kanselahin ang lahat ng kanilang operasyon patungo at galing sa Beijing, Shanghai, Xiamen, Guangzhou, at Shenzhen, mula Pebrero 2 hanggang Marso 29 ngayong taon.

Nabawasan na rin ang kanilang operasyon sa Filipinas to Hong Kong at Macau.

Nauna nang sinabi ni CEB spokesperson Charo Lagamon na nag­lagay na sila ng cancelled flights sa reduction scheme, at nagbigay na ng abiso sa mga apektadong pasahero.

Nag-anunsiyo na rin ang AirAsia Philippines ng kanselasyon ng kanilang flights sa pagitan ng Filipinas at piling ruta sa China hanggang Marso 1.

Ito ay ang mga flights mula Maynila at Kalibo hanggang Guangzhou, Shenzhen, Shanghai, Hong Kong, at Macau.

Binigyan ng dalawang airlines ang mga apektadong pasahero ng opsiyon para mag-rebook o mag-refund ng kanilang tickets, o mag-store ng ticket value sa isang travel fund.

Samantala, sinabi naman ng flag carrier na Philippine Airlines (PAL), ang mga nabanggit na flights sa Maynila at China ay mababawasan sa mahigit na 50 porsiyento simula nitong Pebrero 1.

Ang cancelled flights na inanunsiyo sa PAL official Facebook page ay naka-iskedyul hanggang Abril 1.

Ilang  international airlines ay nagsuspinde o nagbawas na rin ng kanilang flights patungong China.

Tulad ng Delta, nagkansela sila ng lahat ng flights sa pagitan ng United States at China simula Pebrero 6 hanggang Abril 30.

Nag-anunsiyo rin ang Qatar Airways na magsususpinde sila ng flights patungong China simula Pebrero 3 dahil sa ongoing coronavirus outbreak, ayon sa Anadolu report.

Nagsimula nang kumalat ang 2019-nCoV sa Wuhan sa central China’s Hubei province noong Disyembre ng nagdaang taon.

Ayon sa report, nagkaroon na ng mga namatay sa coronavirus na umabot sa 259 tao sa China, at may 12,000 na ang infected. Mahigit sa 118,000 katao ay nasa ilalim ng medical observation. PNA

Comments are closed.