BUDGET CUT SA DEPED, DOH, DPWH ‘DI LULUSOT SA KAMARA

Rep-Joey-Salceda

TINIYAK ng isang kongresista na sa aaprubahan ng Kamara na 2019 national budget ay hindi mababawasan ang pondo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, partikular ang gagamitin para sa sektor ng edukasyon, kalusugan at imprastruktura.

Ayon kay House Committee on Appropriations Vice Chairman at 2nd Dist. Albay Rep. Joey Salceda, hindi magkakaroon ng ‘reenacted budget’ ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte  sa susunod na taon dahil kung mangyayari ito ay ang taumbayan ang talo at may masamang epekto din, aniya, ito sa ekonomiya ng bansa.

“It’s our job to approve it (national budget) in the first place and to provide for what is essential to nation building…but I think, we just have to sort of I think kailangan naming ayusin pa rin ‘yung need for more classrooms, need for more health facilities. For me that’s the basic minimum,” wika ng Albay lawmaker, na vice-chairman din ng House Committee on Economic Affairs

Ginawa ng mambabatas ang pahayag sa harap ng ­agam-agam na maiipit ang pag-apruba sa P3.757-T na 2019 General Appropriations Fund sa pag-alma ng mga kongresista sa ‘cash-based budgeting system’ na nais ipatupad ng Department of Budget and Management (DBM).

Dismayado ang mga kongresista dahil magreresulta, anila, ang nasabing sistema sa pagkaltas sa pondo ng ilang kagawaran, kabilang ang Depart-ment of Education (DepEd), Department of Health (DoH) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa susunod na taon.

Anang kongresista, kabilang dito ang nakasaad sa 2019 proposed national budget na pagtatakda lamang ng P937 million para sa pagpapagawa ng mga bagong silid-aralan mula sa nailaan dito na mahigit P100 bilyon ngayong taon.

Umaabot naman sa P35 bilyon ang ‘budget cut’ ng DOH sa 2019, kabilang dito ang ibibigay lang na P100 million para sa Health Facilities En-hancement Program (HFEP), na ngayong taon ay may pondo na P30.3-B.

Sa panig ng DPWH, bagama’t maituturing na maliit lamang ang kinaltas na P24-B budget sa flood control projects nito, sinabi ng Bicolano solon na maaaring maapektuhan ang implementasyon ng iba’t ibang infrastructure projects kung masusunod ang bagong patakaran ng DBM.

“Hindi pupuwedeng gamitin ang ‘cash-based’ to essentially bawasan ang (budget) ng DepEd, DoH, na maging zero ‘yung HFEP, less classrooms,” giit pa ni Salceda.

Hinggil naman sa pahayag ng DBM na handa ito kung hindi lulusot ang 2019 GAA at magkaroon ng reenacted budget, sinabi ng kongresista na malabong mangyari ito.

Giit niya, hindi mapopondohan ng gobyerno ang pagdaraos ng 2019 national at local elections, maging ang Southeast Asian Games at dagdag-sahod sa mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel dahil wala ito sa 2018 national budget.

“Kung hindi maaaprubahan ang 2019 GAA, mas malaki ang consequences. Una, wala sa budget ang para sa uniformed personnel (P84-B), arrears para sa indexation na P34-B, Salary Standardization Law 4 for civil servants na P58-B, national and local elections walang P6-B. Kaya the people are the real losers,” diin ni Salceda kung saan binanggit din niya na mayroon dapat na P36-B para sa cash assistance program ng gobyerno at dagdag na P10-B sa free college education na nasa 2019 pero wala sa 2018 budget.  ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.