KINUWESTIYON ni Senadora Grace Poe ang pagtapyas sa 2019 national budget sa mga mahahalagang ahensiya ng gobyerno samantalang dinagdagan naman ng P100 milyong budget ang Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Ito ang naging reaksiyon ni Poe matapos na mapag-alaman na maraming ahensiya ang magkakaroon ng malaking bawas sa ka-nilang budget sa panukalang apropyasyon para sa 2019.
Nabatid na bawas ang budget ng Department of Agriculture (mula P61 bilyon na naging P55 bilyon); DSWD (mula P141.8 bilyon naging P136.6 bilyon); DepEd (mula P553 bilyon naging P498 bilyon); at Department of Health (DOH) (mula P107 bilyon naging P71 bilyon).
Ani Poe, kukuwestiyunin niya ito sa budget hearing dahil kung kailan sa panahong tumataas ang insidente ng gutom at ang presyo ng pagkain ay doon pa tatapyasan ang budget ng mga mahahalagang ahensiya ng pamahalaan.
Nais din ng senadora na ipaliwanag ng PCOO ang karagdagang P100 milyong budget nito.
Hangad din na malaman ni Poe kung ano ang maitutulong ng karagdagang budget sa PCOO sa sikmura ng mga kababayan.
Dismayado si Poe dahil kasabay ng pagpapatupad ng TRAIN law para mabigyan ng sapat na pondo ang mga pangunahing ser-bisyo sa mamamayan tinapyasan pa ng pondo ang mga ahensiya na pangunahing nagseserbisyo sa mga mahihirap na kababayan. VICKY CERVALES
Comments are closed.