BUDGET CUT SA DOST RESEARCH INALMAHAN

ITINUTULAK ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino ang paglalaan ng mas malaking budget para sa Philippine Council for Industry Energy and Emerging Technology Research (PCIEETR) sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program (NEP) upang mas maalalayan ang mga bagong usbong na start-up companies sa bansa.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng Department of Science and Technology (DOST) nitong Lunes, ipinaliwanag ni Tolentino na makatutulong sa ekonomiyang sinalanta ng COVID-19 pandemic ang pagpapalakas sa mga start-up companies, lalo pa’t malapit nang makamit ng bansa ang tinatawag na ‘herd immunity.’

Ang PCIEETR ay isang ahensiya sa ilalim ng DOST na nakatokang alalayan ang mga start-up companies. Ayon kay Tolentino, malaki ang magiging papel ng nasabing mga kompanya upang muling ibangon ang ekonomiya ng bansa matapos itong hagupitin ng pandaigdigang pandemya.

Paliwanag ni Tolentino, hindi napapanahon ang tinamong budget cut ng PCIEETR dahil malaki ang posibleng maging papel nito sa muling pagbangon ng bansa. Mula P864.97 milyon ngayong 2021, bumaba sa P815.22 milyon ang alokasyon sa nabanggit na ahensya sa ilalim ng panukalang 2022 General Appropriations Act (GAA).

“I humbly feel that if there is a program that should be sustained and nourished this is it. I believe the reduction in budget is probably not timely and relevant because once we go through a post-pandemic period, we need start-up groups similar to what they are doing in Silicon Valley and other areas. We have to sustain the creativity of our youth, our young entrepreneurs. This will be needed post-pandemic,” ani Tolentino.

Inayunan ni Senador Joel Villanueva, na siyang nag-isponsor sa budget ng DOST, ang panukala ni Tolentino.

“We are willing to work with Senator Tolentino in case we can find out how to or if there’s a need or an opportunity for us to increase the budget, this particular agency, this particular unit in so far as focusing on the start-up is concerned,” ani Villanueva.

Sa nasabi ring pagdinig, iminugkahi ni Tolentino na dagdagan ang legal department ng DOST matapos lumitaw sa pagdinig na tatlo lamang ang abogado sa nabanggit na ahensiya.

Iginiit ni Tolentino na ang kakulangan ng mga permanenteng abogado sa DOST ay isa sa mga posibleng dahilan kaya hindi pa rin gawa ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng mga batas na may kinalaman sa ahensiya kagaya ng Republic Act 11037 o ang “Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.”

“The lack of lawyers within the Department may be the reason behind the late promulgation of the IRR. This is a very important law as it institutionalizes a national program for undernourished children. Kailangan po ito hindi lang ng DOST, kailangan din ito ng DILG, DepEd, and our LGUs,” paliwanag ni Tolentino. VICKY CERVALES