MAGKAKAROON ng malaking kabawasan sa budget para sa programa ng pamahalaan para sa pagpapaunlad ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa susunod na taon, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Matapos ang 2019 national budget hearing ng ahensiya, lumabas sa datos ng DTI na naglaan ang gobyerno ng P1.36 billion para sa MSME Development Program para sa 2019, mas mababa sa P2.2 billion ngayong taon.
Ang Shared Service Facilities (SSF) Project, na nasa ilalim ng MSME Development program, ay mahaharap sa malaking budget cut na may P62.71 million lamang para sa 2019 mula sa P1 bilyong alokasyon ngayong taon.
Ito ay makaraang ihayag ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), tinukoy ang 2017 annual audit report ng Commission on Audit, na tinawag ng COA ang atensiyon ng DTI sa non-utilization o partial utilization ng SSF equipment.
Ang SSF project ay ipinatupad kasama ang project partners sa layuning mapaghusay ang ‘competitiveness’ ng MSMEs sa pagkakaloob sa mga ito ng machinery, equipment, tools, systems, skills at knowledge sa ilalim ng shared system.
Ayon sa CPBRD, ang mga benepisyaryo ng mga proyekto ay ang actual at potential users ng SSF, karamihan ay mga kooperatiba, asosasyon o grupo ng MSMEs, kabilang ang MSMEs o individual entrepreneurs.
Samantala, ilan sa mga proyekto sa ilalim ng MSME Development program ay ang pagtatayo ng Negosyo Center na may P512.38 million budget para sa susunod na taon, One Town-One Product: Next Generation Project na may P89.58 million, at ang Rural Agro-Enterprise Partnership for Inclu-sive Development Project na may P58.25 million.
Bago ang budget cut, sinabi ni Trade Secretary Ramon M. Lopez na target ng kanyang ahensiya na doblehin ang pondo nito para sa MSMEs sa P4 billion sa susunod na taon upang mapag-ibayo ang mga programa at serbisyo ng ahensiya, partikular sa microfinance, shared service facilities, exports promotion at consumer protection. JM DELA CRUZ
Comments are closed.