BUDGET DEFICIT NG PH LUMIIT (P28.8-B noong Hulyo)

BUMABA ang budget deficit ng bansa ng 39.67 percent noong Hulyo makaraang mahigitan ng paglago ng kita ang pagtaas sa paggasta, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Sa datos na inilabas ng BTr nitong Miyerkoles, ang budget deficit noong nakaraang buwan ay bumaba sa P28.8 billion mula P47.8 billion noong Hulyo ng nakaraang taon.

Ang pamahalaan ay nagkakaroon ng budget deficit kapag mas malaki ang naging paggasta kaysa kita.

Para sa unang pitong buwan ng taon, ang budget deficit ng bansa, gayunman, ay umabot sa P642.8 billion, mas mataas ng 7.21 percent kumpara sa kaparehong panahon noong 2023.

Ang revenue collections ng bansa ay pumalo sa P457.4 billion noong Hulyo, tumaas ng 11.09 percent mula P411.7 billion noong Hulyo 2023.

Ayon sa BTr, ang tax collections, na bumubuo sa 88.07 percent ng kabuuan, ay lumago ng 15.46 percent year on year, habang ang non-tax revenues, na bumubuo sa 11.93 percent, ay bumaba ng 13.2 percent.

Samantala, ang koleksiyon para sa unang pitong buwan ng taon ay umabot sa P2.6 trillion, mas mataas sa P2.3 trillion na nalikom sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Tumaas naman ang expenditures ng pamahalaan ng 5.8 percent noong Hulyo.

“July disbursements reached PHP486.2 billion and were 5.8 percent or PHP26.7 billion higher than what was spent in 2023 partly due to the higher National Tax Allotment (NTA) share of LGUs,” ayon sa BTr.

Sa unang pitong buwan ng taon, ang paggasta ay umabot sa P3.2 trillion, tumaas ng 13.17 percent mula sa P2.8 trillion noong nakaraang taon.