TUMAAS ang budget deficit ng bansa noong Pebrero, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Sa datos ng BTr, ang budget deficit noong Pebrero ay umabot sa P164.7 billion, mas mataas sa P106.4 billion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa ahensiya, mas malaki ang government spending kumpara sa revenues sa naturang buwan. Naitala ang 22.14 percent year-on-year increase sa expenditures sa gitna ng revenue growth na 5.73 percent. Ang year-to-date (YTD) fiscal deficit ay pumalo sa P76.7 billion, tumaas ng 26.56 percent mula sa 2023 figures. Ayon sa Treasury, ang expenditures ay pumalo sa P388.7 billion noong Pebrero, sa likod ng mas malaking paggasta ng local government units, Department of Health, at Department of Social Welfare and Development.
Tumaas naman ang interest sa P47.8 billion, o mas mataas ng 40.22 percent kumpara noong 2023.
Samantala, umakyat ang government revenues sa P224 billion kung saan nakakolekta ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng P138 billion, nakalikom ang Bureau of Customs (BOC) ng P70.6 billion, at nag-ambag ang BOT ng P6.5 billion.
Ang koleksiyon mula sa ibang mga tanggapan ay umabot sa P6.2 billion.