PAGKAKAUDLOT NG 2019 BUDGET ISINISI SA KAMARA

budget-4

IGINIIT ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na walang ibang dapat sisihin kung hindi maipapasa ang 2019 national budget bago matapos ang taon kundi ang House of Representatives.

Ayon kay Sotto, nitong nakaraang Lunes lamang nila natanggap ang General Appropriations Bill mula sa Kamara kayat mistula silang kawawa at nagkukumahog ngayon sa Senado na maipasa ang budget matapos na hilingin ng Ehekutibo na ipasa ngayong taon ang P3.75 trilyon national budget para sa susunod na taon.

Sinabi pa ni Sotto na noong nakaraang Oktubre pa lamang ay naisumite na nila ang budget sa Senado subalit ngayong araw Disyembre 4 lamang sila magsisimula sa paghimay sa budget na isinumite ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Duda si Sotto na maipasa ngayong taon ang budget dahil sa pag-iimprenta pa lamang ay aabutin na ito ng ilang araw.

Idinagdag pa ng senador na kung maaprubahan ito ng Senado sa susunod na linggo, gugugol pa rin ng oras ito para sa bicam at pag-iimprenta kaya sakaling hindi man umabot ito sa takdang oras walang ibang dapat sisihin kundi ang mga kongresista hindi ang mga senador.  VICKY CERVALES