HINILING ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa mga kongresista na dagdagan ang kanilang pondo para sa hospitalization at gamutan ng mga beterano.
Sa pagdinig sa P4.5 trillion na pambansang pondo sa 2021, sinabi ni VMMC Dr. Jun Chong na bumaba sa P160 million ang pondo para sa pagpapaospital at gamot sa mga beterano para sa susunod na taon.
Sa 200,000 beterano sa bansa, lumalabas na makatatanggap lamang ng P2 na daily allotment ang mga beterano para sa kanilang gamot sa puso, diabetes at iba pang maintenance drugs sa ilalim ng nasabing budget.
Hiniling ng VMMC na dagdagan ng P425 million ang pondo para sa gamutan ng mga beterano lalo pa’t ngayong may COVID-19 pandemic ay tinutugunan din nila ang bakuna para sa anti-flu at anti-pneumonia ng mga veteran.
Nanawagan din sina Bataan Rep. Geraldine Roman at Magdalo Rep. Manuel Cabochan sa mga kasamahang kongresista na dagdagan ang budget ng VMMC.
Samantala, tumaas naman ng 9% ang pondo ng Department of National Defense (DND) para sa susunod na taon.
Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na P16.96 billion ang dagdag sa budget ng DND sa 2021 na nasa P208.7-B, mas mataas sa P191.7-B ngayong 2020.
Paliwanag ni Lorenzana, tumaas ang mga inilaang pondo sa Personnel Services na nasa P2.4 billion, Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na P7.6 billion at Capital Outlay na nasa P6.89 billion. CONDE BATAC
Comments are closed.