LAHAT ng mamamayang Filipino, lalo na ang mga senior citizen at mga kabataan, ang pangunahing ma-bibiyayaan sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte, at ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) ang pangunahing ahensiya na naatasang magbigay ng pinakamalaking kontribusyon para pondohan ang nasabing programa.
Isang bagay ito para lalong magsipag ang mga opisyal at kawani ng BIR, gayundin ang BOC, sa pagkolekta ng buwis upang matustusan ang programa ng gobyerno para sa kalusugan ng sambayanang Filipino.
Ang budget para sa implementasyon ng Universal Health Care na aabot sa P257 bilyon ay kukunin sa sin tax collections, charity funds mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), income na galing sa Philippine Amusement and Gaming Corporations (PAGCOR), Department of Health (DOH), PhilHealth, BIR, BOC, annual appropriations, government subsidy at iba pang budget na hindi nagagamit.
Nilagdaan ni Pangulong Digong ang Universal Health Care Act para mabigyan ng health care coverage ang lahat ng mga Filipino. Ang bagong batas ay magbibigay ng access sa lahat ng mga Pinoy sa bansa sa dekalidad at affordable na mga gamot at serbisyong medikal at awtomatikong nag-eenroll sa lahat ng Filipino sa National Health Insurance Program.
Ang BIR at BOC na pangunahing ahensiya ng gobyerno sa pangongolekta ng buwis ang naatasang magpuno ng budget para rito kung kaya si Department of Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez ay nagbigay ng kalatas sa lahat ng regional directors, revenue district officers, port collectors at examiners ng BIR at BOC na pag-ibayuhin ang isinasagawang tax campaign para makuha ang kani-kanilang tax collection goal.
Para sa taong ito, ang BIR ay pinakokolekta ng P2.309 trillion, mas mataas ng 13.24 percent noong nakalipas na taon, habang sa BOC naman ay P662.2 bilyon o nag-increase ng 13.19 percent kumpara noong 2018.
Para sa taong 2020, ang BIR ay binigyan din ng goal na P2.617 trillion, mataas ng 13.13 percent sa 2019 tax goal, samantalang sa BOC ay P748.2 bilyon o nag-increase ng 12.99 percent kumpara sa kasalukuyang tax goal.
Pinakokolekta rin ng DOF sa taong 2021 ang BIR ng P2.942 trillion, mas mataas ng 12.42 percent, habang ang BOC ay P826.2 bilyon o mas mas mataas ng 10.43 percent.
At sa huling taon ni Presidente Duterte sa 2022, ang BIR ay inatasang kumolekta ng P3.312 trillion, mas mataas ng halos 12.42 percent, samantalang ang BOC ay pinakokolekta ng P914.8 bilyon, mas mataas ng 10.17 percent.
Sa ilalim ng Universal Health Care Act, magkakaroon ang bawat Filipino ng preventive, promotive, curative, rehabilitative and palliative health services.
Bukod dito, palalawakin din ng nasabing batas ang PhilHealth coverage ng mga Pinoy at magbibigay ng free-medical check-up, laboratory tests at iba pang diagnostic medical services, ayon mismo sa author ng bill na si Sena-tor JV Ejercito.
Sa kanyang kalatas sa mga opisyal ng BIR at BOC, sinabi ni Secretary Dominguez na ito ang tamang panahon upang ang dalawang nabanggit na ahensiya ay magdoble kayod alang-alang sa sambayanang Filipino.
oOo
Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09086198614 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.