BUDGET SA PAGPAPAGAWA NG CR MATAGAL NANG ISYU SA MGA SOLON

Franklin Drilon

MATAGAL na pinagtalunan ng mga senador at  mga kongresista ang budget para sa pagpapatayo ng palikuran at kalsada bago naipasa ang panukalang Bayanihan 2.

Sinabi ni Senate Minority leader Franklin Drilon , matagal na pinagtalunan sa Bicameral Conference Committee ang nasabing isyu dahil tutol silang mga senador.

Giit ni Drilon, pinilit umano ng mga kongresista na ipasok ang P10 bilyon sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority  (TIEZA) subalit inilaban ng mga Senador ang gusto ng Department of Tourism na gamitin ang pagpapautang sa mga maliliit na kompanya na nagsara dahil sa COVID-19 pandemic.

Subalit sa huli ay nagkaroon umano ng kompromiso ang dalawang kapulungan at ito ay ang paglalaan ng P1 bilyon para sa pagpapagawa ng mga kubeta o palikuran at kalsada sa mga pasyalan o tourist destination at ilalagak ito sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Habang ang P6 bilyon naman ay ipapautang sa maliliit na kompanya sa tourism industry at ang P3 bilyon ay ayuda sa mga mangagawa na nawalan ng trabaho na nasa industriya ng turismo.

Kamakalawa ng gabi ay niratipikahan ng Senado ang P165.5 bilyon ang Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2  habang inaasahan naman na sa Kamara ay raratipikahan ang panukala sa Lunes. LIZA SORIANO

Comments are closed.