LUMAKI ang budget surplus ng bansa noong Enero kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon habang nag-ooperate ang gobyerno sa re-enacted budget.
Sa datos ng Bureau of Treasury (BTr), ang surplus ay umabot sa P44.5 billion noong Enero, mas mataas ng 337 percent kumpara sa kahalintulad na buwan noong 2018.
Ayon pa sa BTr, ang revenues ay tumaas ng 7 percent sa P256.7 billion habang bumaba ang expenses ng 7 percent sa P212.2 billion.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naaaprubahan ang 2019 national budget dahil sa mga debate sa umano’y insertions na sinasabing pumapabor sa isang contractor at ahensiya.
Nauna nang nagbabala ang National Economic and Development Authority (NEDA) na mabibigo ang Filipinas na makamit ang economic growth target nito ngayong taon kapag patuloy na nag-operate ang bansa sa re-enacted budget sa buong taon.
Sinabi ng NEDA na ang re-enacted budget hanggang April 2019 ay magbababa sa full-year gross domestic product sa 6.1 hanggang 6.3 percent, mas mababa sa government target na 7 hanggang 8 percent.
Samantala, kapag ang budget ay naipasa sa Agosto, ang paglago ng ekonomiya ay maitatala lamang sa 4.9 hanggang 5.1 percent.
“Worse, with a full-year reenacted budget, growth can go as low as 4.2 to 4.9 percent,” paliwanag ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.
Kapag nangyari ito, ito ang magiging unang pagkakataon sa loob ng pitong taon na ang paglago ng ekonomiya ay hindi aabot sa 6 percent, o magmula nang maitala ang 3.7 percent noong 2011.
Comments are closed.