NAGSIMULA na ang PBA bubble noong Linggo, Oct. 11, kung saan sa unang laro ay nanalo ang TNT Tropang Giga laban sa Alaska Acrd, 100-95, habang ang Brgy Ginebra naman ay tinalo ang NLEX, 102-92.
Hindi nakapaglaro si L. A. Tenorio na nagpapagaling pa sa kanyang appendectomy. Sa susunod na game ng Gin kings ay sasabak na ito. Tulad ng inaasahan ay nakapaglaro si Japeth Aguilar ngunti hindi kalakasan sa kadahilanang may iniinda pa itong calf muscle.
Ang matindi ay ang mga 2nd stringer ng Ginebra na nag-level up tulad ni Aljon Mariano na gumawa ng 20 points, 5 rebounds., at apat na assists sa 30 minutong playing time na ibinigay sa kanya ni coach Tim Cone. Siyempre ay hindi rin nagpahuli si Scottie Thompson na humataw ng double double na 12 points at 11 rebounds, habang nagbigay ng 5 assists at gumawa ng 2 steals. Inasahan din ni coach Cone ang kanyang mga rookie na kahit papaano ay nakatulong sa team tulad nina Arvin Tolentino, Kent Salado at Jerick Balanza bagaman kaunting oras lamang ang naibigay sa kanila.
o0o
Naiuwi na rin ng Los Angeles Lakers ang kampeonato makaraang gapiin ang Miami Heat, 106-93, sa Game 6, sa pangunguna ni LeBron James na siya ring itinanghal na Finals MVP.
Pang-apat na Finals MVP na ito ni James sa ganda ng performance niya mula Game 1 hanggang Game 6.
o0o
Naniniwala si Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na papayagan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagbabalik ng sabong sa lalong madaling panahon.
Sinabi ni Mitra na naisumite na ng GAB sa tulong ng Department of Health (DOH) nitong October 7 sa IATF Technical Working Group ang mas pinahigpit na health and safety protocol para sa hinay-hinay na pagbabalik ng sabong sa bansa, higit sa mga lugar na may mababa nang level ng quarantine.
“We have a series of online meeting with the IATF Technical Working Group for the return of sabong. After the National Economic Development Authority (NEDA) decided that our request for the return of sabong is more on healthy issue than economic, tumakbo na kami sa DOH para humingi ng tulong sa technical side para sa mas mahigipit na ‘health and safety’ program,” pahayag ni Mitra.
“Hintay lang tayo ng kaunti pa. ‘Yung naisumite ng GAB na health and safety protocol sa IATF Technical Working Group ay masasabi po nating mabibigyan ng timbang lalo na sa mga lugar na nasa ilalim na ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).”
Ayon sa datos ng GAB, kabuuang 16,173 na lisensiyadong cockpit personnel, kabilang ang mananari, senticiador at manggagamot, ang natigil sa kanilang hanapbuhay sa pansamantalang pagsasara ng mga sabungan sa bansa mula pa nitong Marso.
Ipinahayag ni Mitra na sumadsad ang industriya, gayundin ang mga nagtatarabaho rito. Sa inilabas na datos ng Gamefowl Commission at UACOOP, may kabuuang 18, 800 ang mga empleyado na konektado sa industriya.
Sa Internal Research ng San Miguel Corp.,may kabuuang 15,000 tindahan ng mga gamot, patuka at bitamina ang tinamaan ng pandemic, kasama rito ang kabuuang 60,000 empleyado sa buong bansa.
Iniulat naman ng International Federation of Gamefowl Breeders Association (FIGBA) na may kabuuang 200,000 employees sa mga farm sa buong bansa ang apektado ang kabuhayan.
“Lahat po ng datos na ito ay isinumite natin sa NEDA at sa IATF. Tunay pong prayoridad ang kalusugan, pero may mga programa naman po tayo dito kaya umaasa kami na maibabalik na rin ang sabong ASAP,” pagtatapos ni Mitra.
Comments are closed.