NAGBUHOS si Tayson Tatum ng 23 points at 9 rebounds nang pataubin ng Boston Celtics ang Philadelphia 76ers, 105-87, sa season opener noong Martes ng gabi.
Nagdagdag si Marcus Morris ng 16 points at 10 rebounds mula sa bench, habang tumipa si Al Horford ng 9 points at 5 blocks.
Namayani ang Boston sa kabila na bumuslo lamang ng 43 percent (42 of 97) mula sa field at 30 percent mula sa 3-point line (11 of 37). Ang pagkukumahog ng Celtics ay hindi nagpatamlay sa kondisyon sa loob ng TD Garden para sa pagbabalik-aksiyon sa regular season nina Gordon Hayward at Kyrie Irving.
Nanguna si Joel Embiid para sa 76ers na may 23 points at 10 rebounds. Tumapos si Ben Simmons na may 19 points, 15 rebounds at 8 assists.
Sumalang si Hayward sa kanyang unang laro magmula nang sumailalim sa surgery at matapos ang mahigit 10 buwang rehabilitasyon para sa left ankle injury sa season opener noong nakaraang taon.
Balik-aksiyon si Irving makaraan ang pares ng surgeries sa kanyang kaliwang tuhod, dahilan para hindi siya makapaglaro sa pagtatapos ng regular season at sa playoffs.
WARRIORS 108, THUNDER 100
Kumana si Stephen Curry ng game-high 32 points, kasama ang krusyal na three-point play, may 1:46 ang nalalabi, upang tulungan ang host Golden State Warriors na malimitahan ang Russell Westbrook-less Oklahoma City Thunder sa second half.
Nagpasabog si Kevin Durant ng 27 points para sa Warriors, na nalusutan ang 7-for-26 shooting mula sa 3-point range upang magwagi sa opening night sa unang pagkakataon sa tatlong seasons.
Nagtala si Paul George ng team-high 27 points at gumawa si Dennis Schroder ng 21 points para sa kanyang debut sa Oklahoma City. Tinulungan nila ang Thunder na matikas na makihamok sa two-time defending champions habang nanonood si Westbrook sa courtside.
Comments are closed.