BUENA MANO SA TIGRESSES

TIGRESSES

MAGAAN na dinispatsa nina Sisi Rondina at Babylove Barbon ng University of Santo Tomas sina Isa Molde at Justine Dorog ng University of the Philippines, 21-12, 21-12, upang mainit na simulan ang kanilang women’s three-peat bid sa UAAP Season 81 beach volleyball tournament kahapon sa Sands SM By The Bay.

Ginulantang naman nina Jude Garcia at Kevin Hadlocon ng Far Eastern University ang fancied pair nina Bryan Bagunas at James Nati­vidad ng reigning men’s champion National University, 25-23, 21-17.

Sa kanyang huling taon, si Rondina ay may bagong partner, sa katauhan ni Barbon – ang ikaapat sa kanyang collegiate career – subalit naglaro ang dalawa na parang matagal na silang magkasama.

Isang rookie mula sa Bukidnon, si Barbon ay naging solido sa magkabilang dulo ng sand court upang tulungan si three-time MVP Rondina.

Ang Tigresses ang pinakamatagumpay na koponan sa sport na may limang korona, tatlo ay napanalunan ni Rondina sa iba’t ibang ka-partner.

Hindi naman pinalad ang Lady Tamaraws, pumangalawa sa Tigresses noong nakaraang season, sa kanilang season-opener.

Nalusutan nina De La Salle’s Tin Tiamzon at Michelle Morente ang second set meltdown upang igupo ang tambalan nina Ivana Agudo at Marianne Calinawan ng FEU, 21-14, 20-22, 15-10,  habang pinataob nina Klymince Orilleneda at Antonnete Landicho ng NU sina Ponggay Gaston at Jules Samonte ng Ateneo, 21-11, 21-14.

Sa iba pang men’s morning matches, tinalo nina Krung Arbasto at Jaron Requinton ng UST sina Ateneo’s Kurt Aguilar at Abai Llenos, 21-11, 21-14; ginapi nina Adamson University tandem Pao Pablico at Jesus Valdez sina Nico Consuelo at Mac Millete ng UP, 24-22, 21-14, at giniba nina Clifford Ino­ferio at Alven Aljas ng UE sina Geraint Bacon at Raprap Sumalinog ng De La Salle, 21-19, 21-16.

Comments are closed.