KUALA LUMPUR – Hindi na patatagalin pa ni boxing icon at Sen. Manny Pacquiao ang laban kontra WBA world champion Argentinian boxer Lucas Matthysse para sa WBA welterweight title ngayong araw sa Axiata Arena.
Ayon kay Pacquiao, balak niyang tapusin agad si Matthysse at wakasan ang kanyang knockout drought na nagsimula noong Marso 2010 laban kay Antonio Margarito.
“Our plan is to move side-to-side, throw a lot of punches and of course, if given a chance, finish the fight early,” wika ni Pacquiao matapos ang official weigh-in sa International Trade & Exhibition Centre dito.
Ang eight-division champion ay nagtatangka sa kanyang ika- 60 panalo at ika-12 titulo sa kabuuan laban kay Matthysse, na idedepensa ang kanyang WBA welterweight title sa unang pagkakataon.
Gayunman ay hindi magiging madali para sa Pambansang Kamao ang talunin ang Argentine champion.
Si Matthysse ay nagtataglay ng knockout power kung saan 36 sa 39 fights nito ay nagtapos sa KOs.
Sa weigh-in sa Malaysia International Trade and Convention Center ay tumimbang si Pacquiao ng 146 pounds, habang si Matthysse ay may 146.7 pounds.
Ang limit sa welterweight division ay 147 pounds.
Si Pacquiao ay pumasok sa venue na nakasuot ng puting shirt na may nakasulat na “Fight On”.
Si Pacquiao ay sinalubong ng maraming Pinoy fans, karamihan ay mga overseas Filipino worker sa Malaysia, sa kanyang pagtapak sa timbangan.
Bago ang kanyang pagdating, isang video na nagpapakita ng bahagi ng boxing career ni Pacquiao ang ipinalabas sa saliw ng awiting “Lahing Pinoy”.
Namataan sa audience si Mommy Dionisia ‘Mommy D’ Pacquiao, ang ina ng boxing champ.
Ilang Pinoy ang nagwagayway rin ng Philippine flag, habang isang nasa audience ang may hawak ng poster na may nakasulat na “Bugbugin mo, Manny!”
Inaasahang tutungo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuala Lumpur upang panoorin ang laban ni Pacquiao.
Bukod sa Pacquiao-Matthysse fight, tatlong world titles din ang paglalabanan: WBA featherweight belt (Filipino prodigy Jhack Tepora vs. Mexican Indio Ortega), WBA light flyweight championship (Carlos Canizales vs. Lu Bin), at ang IBF flyweight belt (Moruti Mthalane vs. Muhammad Waseem).
Lalaban din si Mig Elorde, apo ni Gabriel Flash Elorde, kay Ratchanon Sawangsoda ng Thailand.
Comments are closed.