ANG mga salitang búhay-alamáng ay ekpresyong nagpapahayag ng kawalan ng kabuluhan ng búhay ng isang mahirap. Inihahambing ang naturang sitwasyon ng tao sa maliit na alamáng, napakaliit na lamandagat na hugis hipon, na kapag nahúli at iniahon mula sa tubig ay kumikislot nang malakas at pagkatapos ay namamatay agad.
Himutok ito ng kawalan ng pag-asa dahil waring wala siyáng nakikitang paraan upang umasenso o lumigaya anuman ang gawing pagsisikap. Napakanegatibo kung iisipin, ngunit dahil masayahin at positibo ang pananaw ng mga Filipino sa buhay, naging kasabihan na lamang itong tinatawanan at pinagkukwentuhan.
Bihira na ang gumagamit ng kasabihang ito, ngunit kung lilimiin natin ang buhay ng mga itinuturing na pinakamahihirap na pamilyang naninirahan sa squatter’s area, masasabing sila ang pinakamagandang halimbawa ng buhay alamang. Hindi na nagsisikap, dahil inaakala nilang kahit anong gawin nilang pagpupunyagi ay wala nang mangyayari sa kanilang buhay. Walang puwang ang pag-asenso dahil kailangan ang palakasan sa pagkakaroon ng trabaho.
Ngunit walang katotohanan ito. Sa taong nagsisikap, hindi totoo ang buhay alamang. Kung matagal man bago makuha kung anuman ang nais mo, darating ang panahong sisikat din ang araw.
Ang totoong kasabihan na dapat nating isabuhay ay: “Laging sumisikat ang araw sa umaga.” Walang sablay yan.
At maniwala kayo, kung magsisikap ang isang tao na hindi umaasa lamang sa tulong ng iba, mayroon siyang mararating sa mga susunod na panahon. JAYZL VILLAFANIA NEBRE