(Pagpapatuloy…)
Ito ay ang pagpapatuloy ng pag-alaala natin kay Pangulong Noy na yumao dalawang taon na ang nakalilipas. Ang unang bahagi ng kolum na ito ay nailathala nitong Lunes, ika-26 ng Hunyo.
Si Pnoy, bilang tao at bilang pangulo, ay ordinaryo at hindi perpekto. Ngunit ang mga katangiang ito mismo ang dahilan kung bakit napamahal siya sa kanyang mga tauhan at sa sambayanang Pilipino. Nakaka-relate sa kanya ang tao, at bilib sila sa kanyang integridad, kababaan ng loob, at sipag.
Hindi kaila sa lahat na siya ay nag-iwan para sa susunod na pamahalaan ng malaking pondo—tatlong trilyong piso, sa kasaysayan ng Pilipinas ang pinakamalaking halaga na naipasa sa susunod na pangulo ng isang pangulong papaalis na.
Pinagyaman niya ang ekonomiya natin, at nagawa ng Pilipinas na makakuha ng mataas na investment grade at makilala bilang “Rising Tiger of Asia” at “Asia’s Bright Spot”. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakatanggap tayo ng mataas na credit rating mula sa mga international anti-corruption review agencies. Siyempre bukod diyan, natanggap din natin ang respeto ng buong mundo dahil dito.
Nagawa rin ng administrasyon ni PNoy na makakolekta ng mataas na halaga ng buwis, ang pinakamataas na halaga ng koleksyon sa kasaysayan ng pananalapi sa bansa—umabot sa isang trilyong piso ang halaga ng nakolektang buwis.
Sa isang maikling mensahe na ibinigay ng pamangkin ni pangulong Aquino, si Kiko Aquino Dee, pagkatapos ng banal na misa sa libingan ni PNoy sa Manila Memorial Park nitong Sabado, ika-24 ng Hunyo, nagtanong siya bilang pagtatapos ng kanyang pagbabahagi: Sino ang hindi makakaunawa sa pagsisikap nating gawin ang makakaya kahit hindi tayo perpekto? Kung minsan, isang patak ng dugo, isang patak ng pawis, o isang patak ng luha na lamang ang kailangan upang maging dalisay ang ating minamahal na Pilipinas.