ISA SA mga isyu na mainit na pumutok noong isang linggo ay ang umano’y katiwalian na bumalot sa Tourism Promotions Board o TPB na pinamumunuan ng aktor na si Cesar Montano. Ito ay tungkol sa proyekto na tinawag na “Buhay Carinderia”. Ito raw ay isang proyekto na nabayaran nang buo na nagkakahalaga ng P80 million at wala raw public bidding. Kung iyong paniniwalaan ang lumabas sa balita, talagang mabibigat at magagalit ka. Nakurakot na naman ang pera ng taumbayan!
Ang “Buhay Carinderia” ay isang proyektong para sa mga nagtitinda ng lutong bahay na naglalayong mapag-ibayo ang kanilang negosyo at makilala sa buong bansa ang kanilang mga piling putahe. Sa madaling salita, ang proyekto ay upang makatulong pasikatin ang lutong Pinoy na nagsasalamin ng ating kultura. Tulad ng mga bumibiyahe sa ibang bansa, nais natin pumunta sa maliliit na kainan upang makatikim ng “authentic” na luto ng nasabing bansa. Parang ganito ang pakay ng “Buhay Carinderia”.
Subalit pinigil ito ng bagong kalihim ng DOT na si Bernadette Romulo-Puyat, dahil sa diumano’y nangangamoy na ‘anomalya’ sa paggagawad ng malaking badyet dito, at ‘di dumaan sa tamang proseso.
Ngunit nalaman ko na ang “Buhay Carinderia” pala ay isang proyekto ng isang pribadong sektor at lumapit lamang sa DOT at TPB upang mag-isponsor sa nasabing proyekto. Hindi pala ito konsepto ng TPB. Ang Marylindbert International ang may may-ari ng “Buhay Carinderia”. Tumatakbo na ang nasabing proyekto noong 2011 pa. Tila hindi yata masyadong napaliwanag ito sa balita.
Oo nga naman. Halimbawa ang “Buhay Carinderia” ay konsepto ng TPB o ng DOT, natural na kailangan na ipa-bid ito at hanapin ang pinakamagaling at pinakamurang grupo na magpapalakad nito. Kung proyekto ito ng gobyerno, nararapat lamang na dumaan ito sa sinasabing “invitation to bid”. Pero hindi ganito ang nangyari sa proyektong “Buhay Carinderia”.
Kaya ang kontensyon ng may konsepto ng “Buhay Carinderia” ay bakit dadaan ito sa isang bidding process samantalang ito ay isang pribadong adbokasiya na sila ang nagpasimula walong taon na ang nakararaan?
Sa isyu naman ng nabayaran na raw ang Marylindbert International nang buo kahit hindi pa naman daw nasisimulan ang proyekto ay pinabulaanan din. Ang istorya pala rito ay nagsimula na sila noong Enero pa lang ng taong ito. Lumibot na sila sa mga barangay ng Region 1 at 2 upang hikayatin ang mga may carinderia na lumahok sa “Buhay Carinderia”. Sa rami ng mga gastusin tulad ng preparation, seminar, merchandising, paggawa ng video production at maraming pa iba upang maging matagumpay ang ‘roadshow’ na ito para sa 15 na probinsiya…aba’y imposibleng hindi kailangan ng malaking gastos dito. Kaya hindi pala totoo na wala pang nasimulan sa nasabing proyekto.
Magsasagawa ng imbestigasyon ang Commission on Audit (COA) sa nasabing pondong inilaan sa programa. Para sa akin, tama naman na magkaroon ng imbestigasyon para masupil ang korapsiyon sa ating bansa. Ganun din upang malinis ang mga pangalan ng mga tao na hindi naman sangkot sa korapsiyon. Sa akin lamang, palagay ko, maituturing na ‘collateral damage’ lamang ang Marylindbert sa nasabing anomalya.
Aabangan natin kung papaano maresesolba ang gusot na ito. Ang talagang biktima rito ay ang mga may negosyong carinderia na hangad na umasenso ang kanilang negosyo. Ang talagang biktima rito ay ang mga inosenteng tao na nais lamang gumawa ng kabutihan para sa bayan subali’t naiipit sa politika sa gobyerno. Ang talagang biktima rito ay ang ating bansa na nangangailangan ng seryoso at magaling na programa upang imerkado ang masarap at kakaibang lutong Pinoy sa buong mundo.
Comments are closed.