IGINIIT ni Department of Tourism (DOT) Sec. Bernadette Romulo-Puyat na suspendido pa rin ang Buhay Carinderia Redefined project ng Tourism Promotions Board (TPB) at ng pribadong kompanya na Marylindbert International, kasunod ng napaulat na pagdaraos ng North Luzon Roadshow nito.
“Given the suspension of the program, and pending its review by the Commission on Audit (COA), any activities of the private proponent of Buhay Carinderia at this point are not sanctioned by the DOT and should not in anyway be considered as connected with the Department,” pahayag ni Romulo-Puyat.
“DOT has not disbursed any further funds since the suspension,” dagdag pa ng kalihim.
Sa sandaling maberipika, sinabi ni Romulo-Puyat na magsasagawa ang ahensiya ng kaukulang hakbang, kabilang ang pormal na pagbibigay-alam sa kabilang party hinggil sa aksiyon ng DOT.
Naka-post sa Facebook page ng Buhay Carinderia Redefined ang upcoming event nito na may titulong “Buhay Carinderia: Vigan City” sa Vigan City Convention Center sa Hunyo 29-30.
Sa isang memorandum na may petsang Mayo 18, 2018, iniutos ni Romulo-Puyat ang suspensiyon ng implementasyon ng lahat ng proyekto ng TPB habang iniimbestigahan ito ng Commission on Audit (COA), kabilang ang Buhay Carinderia project.
Ang imbestigasyon ay hiniling makaraang kuwestiyunin ang P80 million payment ng TPB para sa Filipino food tourism project. Kalaunan ay natuklasan na ang proyekto ay hindi dumaan sa regular bidding process. PNA
Comments are closed.