BUHAY, KALIGTASAN AT KALUSUGAN NG MAMAMAYAN, PROTEKTAHAN -GO

SEN BONG GO-2

HINIKAYAT ni Senador Christopher “Bong” Go, ang chairperson ng Senate Committee on Health, ang mga lokal na awtoridad at tourism stakeholders na protektahan ang buhay, kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan habang maingat na binabalanse ang pag-susumikap na buksan muli ang ekonomiya sa Boracay Island at tumanggap ng mga turista, sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Binuksan na po ang Boracay, kaya pakiusap ko lang, sundin po natin ang mga patakaran para maproteksyunan ang ating kalusugan at ang inyong kabuhayan. Importante na makabalik tayo sa normal na pamumuhay pero mas importante na maprotektahan ang buhay ng bawat Pilipino,” anang senador.

“Palaging magsuot ng mask at face shield. ‘Wag tayong magkumpiyansa, binabalanse natin ang lahat, ang ekonomiya at pangkabuhayan natin,” paalala pa ng senador sa mga residente sa isang video call noong Huwebes, Oktubre 22, habang namamahagi ng tulong sa mga biktima ng sunog sa covered court sa Brgy. Manoc-Manoc,Malay, Aklan.

“Uulitin ko, importante po ang buhay ng bawat Pilipino. Unti-unti tayong nagbubukas subalit alagaan natin ang ating kalusugan. Maghugas ng kamay, mag-social distancing. Kung ‘di kailangan, ‘wag muna lumabas ng pamamahay,” aniya.

Matatandaang sinimulan na ng Boracay ang pagtanggap muli ng turista noong Oktubre 1 matapos ang ilang buwang pagsasara dahil sa pandemic, na nagresulta sa pagbabawal sa pagbiyahe at pagpapatupad ng quarantine measures.

Kasabay nito, kailangan namang magpatupad ng mga karampatang pag-iingat upang matiyak na walang hawahan ng virus na magaganap sa isla, kabilang dito ang “Test Before Travel” rule, kung saan ang mga bisita ay kailangang magprisinta ng negatibong RT-PCR test result, na kinuha may 48 hanggang 72 oras, bago ang pagbiyahe sa isla.

Nais ng senador na tiyaking ang isla at lahat ng mga residente nito ay patuloy na ligtas mula sa karamdaman at nabubuhay ng malusog ang pangangatawan habang ipinu-promote ang turismo at lokal na industriya.

Samantala, namahagi rin ang grupo ng senador ng tulong sa may 300 residente sa isla, na nabiktima ng sunog noong nakaraang taon, at pinagkalooban ang mga ito ng food packs, masks, at face shields.  Ang naturang aktibidad ay isinagawa habang istriktong tumatalima sa kina-kailangan health protocols. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

2 thoughts on “BUHAY, KALIGTASAN AT KALUSUGAN NG MAMAMAYAN, PROTEKTAHAN -GO”

Leave a Reply

Your email address will not be published.