ANG Dumaguete ay isang napakagandang lugar na mayaman sa sining at kultura ng bayan. Bukod sa magagandang tanawin, tahanan ng mga prominenteng institusyong pang-edukasyon ang Dumaguete, pati na rin ng mga makasaysayang lugar at masiglang sining komunidad. Marami ang nagpapasyang tumira rito o magretiro rito. Nakakatanggal ng pagod ang dagat at nakakakalma ng isip ang mahinahong kultura ng lugar.
Syempre, kung napagyayaman ng isang lugar ang sining at pagkamalikhain ng mga taong nakatira rito, magagaling na manlilikha at magagandang obra ang lumilitaw mula rito. Dalawa sa ating Pambansang Alagad ng Sining ay galing sa Dumaguete—sina Edith Tiempo para sa literatura at Eddie Romero para sa pelikula. Ang mga kolehiyo ng sining, art galleries, at mga museo ay lumilinang sa mga lokal na talento. Nagbibigay rin ang mga ito ng espasyo para sa kanila sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga art fairs, mga kurso at klase, at mga art exhibits.
Isa sa pinakabagong lugar na nagbukas ng kanyang mga pinto para sa mga manlilikha sa Dumaguete ay ang The Henry Resort Art Gallery sa Flores Avenue, Bantayan, Dumaguete. Ito ay pag-aari ni Jaime Ponce de Leon na siya ring may ari ng Leon Gallery. Ang espasyong ito sa Dumaguete ay tahanan ng ilan sa pinakamahusay na likhang sining ng mga artista sa Dumaguete, at pati na rin ng ilang mga kilalang manlilikha mula sa labas ng siyudad.
Nito lamang nagdaang buwan ng Agosto ay itinampok ng espasyo ang 27 likhang sining ng tatlong magagaling na manlilikhang taga-Dumaguete—sina Kitty Taniguchi, Hemrod Duran, at Amelia Duwenhöegger.
(Itutuloy…)