(Pagpapatuloy…)
“Dual/ities” ang titulo ng eksibisyon ng mga artistang sina Kitty Taniguchi, Hemrod Duran, at Amelia Duwenhöegger, habang si Sandra Palomar-Quan na siyang chairperson ng Fine Arts Department ng Foundation University ay ang naging art curator para sa nasabing exhibit.
Ang Henry Resort Art Gallery ay isa lamang sa marami na ring art galleries at museo sa Dumaguete. Sa pamamagitan ng Foundation University, tutulong si Palomar-Quan sa Henry Resort sa pagkokonsepto nito ng mga art shows sa mga susunod na buwan.
Sa isang TV interview, inamin ni Palomar-Quan na mula sa Maynila, nakahanap siya ng tahanan sa Dumaguete. Nasa gitna ng tubig ang siyudad, aniya, at napakaraming bagay ang maaaring gawin araw-araw, bukod sa pagtatrabaho.
Mahalaga umanong makahanap ng mga lugar at espasyo kung saan susuportahan ng mga tao at ng buong komunidad ang sining at mga manlilikha nito.
Masuwerte rin daw ang sining komunidad ng Dumaguete dahil narito ang Henry Resort Art Gallery, isang espesyo para sa pagtatrabaho, paggawa ng sining, at paglilibang.
Sino ba naman ang hindi mai-inspire na lumikha ng sining habang nasa Dumaguete? Napaka-romantiko ng Rizal Boulevard lalo na kung gabi; umaapaw ang musika at tugtugan, ang mga boses ng nagkakasiyahang mga tao.
Nakakamangha ang paglubog ng araw, ang magandang tanawin sa dagat, ang malumanay na siyudad.
Ito na nga marahil ang perpektong lugar para sa isang manlilikha. Dagdag pa sa mga iyan ay ang murang bilihin at mababait at matulungin na mga tao. Sa totoo lang, wala ka nang hahanapin pa.