BUHAY NI ATE MARY GRACE SA PALENGKE: “WALANG MAHIRAP NA GAWA ‘PAG DINAAN SA TIYAGA”

SABI nga sa lumang salawikain, “Walang mahirap na gawa ‘pag dinaan sa tiyaga.” Ito ang pinatunayan ng nakilala ko na mula pa sa probinsiya ng Bicol.

Pagtitinda ng isda ang siyang ikinabubuhay ni Ate Mary Grace Hipos, taga Pilar, Sorsogon at may 4 na anak.

Mahigit 13 taon na siya sa negosyong ito.

Aniya, bago mag-lockdown ay maayos ang kita niya sa pagbebenta ng mga sariwang isda at iba’t ibang klase ng dried fish at tinapa na inaalok sa kanyang mga suki kumpara ngayong nagpapatuloy pa rin ang pandemya.

Sa tindi ng dinaranas na hirap sa buhay dahil sa pandemya, mas tumindi pa raw ang sitwasyon ng kanilang buhay buhat ng maghiwalay sila ng kanyang asawa dahil sa hindi pagkakaunawaan ng kanilang pamilya.

Isinantabi na lamang ni Ate Mary Grace ang nangyari sa kanyang buhay na tumutok at nagpa­tuloy sa paghahanapbuhay hanggang sa nakilala niya ang isang lalaki na muling nagpatibok ng kanyang puso na sa kalaunan ay naging katuwang niya na ito sa kanyang negosyo.

Sa loob ng maraming taon ay nagsilbing aral at inspirasyon ito para kay ate Mary Grace upang mas maging matatag pa siya sa buhay.

Dahil na rin sa pagtutulungan nilang mag-asawa ay nairaos nila ang kanilang pamumuhay at kabuhayan.

Tinukoy nito, ang pandemya ang nagtulak sa kanila upang mas maging masinop sa mga gastusin at kung paano nila palalaguin ang natitirang kakaunting ipon.

Pinagpatuloy pa rin nila ang pagtitinda ng isda at nakaisip din ng kaparaanan para sa karagdagang kita.

Ito nga ay ang pagpapaarkila ng kanilang sasakyan pang delivery at pinasok din nila ang pagtitinda ng ukay-ukay.

Ayon kay Ate Mary Grace, sanay na raw sila sa matinding pagod at puyat araw-araw.

“Dapat ay matiyaga ka sa lahat ng bagay lalo na sa iyong napiling kabuhayan, hindi madali ang pagtitinda sa palengke at maglako, marami kang isasakripisyo lalo na ngayong may pandemiya at nagtataasan pa rin ang mga bilihin, lumalaki ang pamilya namin kaya kailangang kumayod para sa kanilang future,” saad ni ate Mary Grace.

Sa kabila nang lahat ng ating mga pinagdadaanan sa buhay, patunay lamang si Ate Mary Grace na hindi puwedeng mapagod at sumuko.

Ito ay kahit pa na may pandemyang kinakaharap at ang paghihigpit ng vaccination card sa kagaya niyang nagtitinda sa palengke.

Ika nga ni ate Mary Grace, “Laban lang, kahit may virus pa sa ating paligid, tuloy-tuloy lang po tayo. Huwag susuko. Nandyan ang Diyos na handang magprovide ng lahat basta nagsusumikap at marunong magtiyaga sa buhay at kabuhayan.”REX MOLINES