BUHAY PA ANG JAZZ

NAITALA ni Donovan Mitchell ang 19 sa kanyang 31 points sa fourth quarter upang pangunahan ang Utah Jazz sa 107-91 panalo laban sa Houston Rockets noong Lunes ng gabi sa Salt Lake City.

Nagdagdag si Jae Crowder ng 23 points at napigilan ng fifth-seeded Utah ang pagkakasibak sa Game 4 sa kanilang unang panalo sa best-of-seven Western Conference first-round series. Gumawa si Ricky Rubio ng 18 points at 11 assists, nakalikom si Derrick Favors ng 12 points at 11 rebounds, at nag-ambag si Royce O’Neale ng 11 points at 11 rebounds.

“It’s not over,” wika ni Mitchell sa postgame television interview sa TNT. “We have another one, and another one, and another one.”

Nagbuhos si James Harden ng 30 points para sa fourth-seeded Rockets, na muling tatangkaing tapusin ang series sa Game 5 sa Miyerkoles sa Houston.

Nagdagdag si Chris Paul ng 23 points, 8 rebounds, 7 assists at 5 steals para sa Rockets, habang umiskor sina Eric Gordon ng 16 at PJ Tucker ng 13.

Na-outscore ng Utah ang Houston, 31-12, sa  fourth quarter.

Samantala, pinawi ng Milwaukee Bucks ang 18 taong kabiguan nang pataubin ang Detroit Pistons, 127-104, upang makumpleto ang four-game sweep sa kanilang first round Eastern Conference playoff series.

Kumana si Giannis Antetokounmpo ng 41 points nang umabante ang Bucks sa second round ng postseason sa unang pagkakataon magmula noong 2000-01 season nang umabot sila sa  NBA semifinals.

Comments are closed.