NAIGANTI ng Far Eastern University ang shock defeat nang pulbusin ang University of the East, 80-61, sa kanilang second-round encounter sa UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang nag-iisang panalo ng Red Warriors sa season ay laban sa Tamaraws, kung saan tinalo nila ang FEU, 90-65, sa first round.
Siniguro ng Tamaraws na hindi na sila muling masisilat kung saan pinutol nila ang four-game skid at kinuha ang unang panalo sa second round.
“For us, it’s a new lease on life,” wika ni FEU coach Olsen Racela. “First win namin sa second round, so we’re hoping to get the next game, and then another one, to keep our hopes alive.”
“Buhay pa ang FEU,” pagbibigay-diin niya.
Nanguna si Arvin Tolentino para sa FEU na may 18 points, habang tumipa si Kenneth Tuffin ng 17 points, kabilang ang limang three-pointers. Gumawa si Barkley Ebona ng double-double – 12 points at 16 rebounds – para sa Tamaraws, na bumuslo ng 42% mula sa field.
Bumagsak ang Red Warriors sa 1-11 matapos malasap ang ika-7 sunod na pagkatalo sa season.
Sa ikalawang laro ay napatatag ng defending champion Ateneo de Manila University ang kapit sa liderato makaraang igupo ang Adamson University, 62-48.
Nakaganti ang Blue Eagles sa Soaring Falcons, na tinalo sila sa kauna-unahang laro sa season, 74-70.
Nalimitahan ng Ateneo ang Adamson sa 28% shooting upang kunin ang panalo.
Naitala ng Blue Eagles ang ika-5 sunod na panalo upang umangat sa 10-2, habang nahulog ang Adamson sa 8-3.
Comments are closed.