Good day mga kapasada!
Tungkol sa matinding traffic ang tatalakayin natin ngayon. Hindi nga naman maiiwasan ang traffic na nagiging dahilan kung kaya’t naaabala ang marami sa atin sa pagtungo sa kani-kanilang trabaho.
Milyon-milyong mamamayan ang lubhang apektado ang kalusugan dulot ng pagsisikip ng trapik sa mga pangunahing thoroughfare sa kalunsuran.
Ayon sa mga mananaliksik, nakapipinsala sa kalusugan ang madalas na pagkaipit sa trapik.
Iniulat ng The New Zealand Herald na ang usok na ibinubuga ng mga sasakyan, ingay at kaigtingan na dulot ng trapik ang malamang na pangunahing mga dahilan nang biglang paglobo ng panganib sa lansangan.
Lumitaw pa sa pananaliksik na ang karamihan sa mga sasakyang de-motor ay naglalabas o nagbubuga ng nitrogen oxide at ilang element na nagdudulot ng kanser. Maraming sasakyan, lalo na yaong may mga makinang diesel ang nagbubuga ng napakaraming maliliit na particles na nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng mamamayan.
Tinatayang umaabot ng tatlong milyong katao ang namamatay taon-taon dahil sa polusyon sa hangin, na sa kalakhang bahagi ay nagmumula sa mga sasakyang de-motor.
Binabanggit sa isang report na 10 porsiyento ng mga impeksiyon sa palahingahan ng mga bata sa Europa ay sanhi ng pinong particles mula sa maruming hangin, at mas mataas pa nga ang percentage sa mga lungsod na nagsisikip ang trapik tulad sa Filipinas.
Ipinaliwanag ng mga siyentipikong mananaliksik na ang nitrogen oxide at sulfur dioxide na ibinubuga ng mga sasakyan ay nagiging sanhi ng asidong ulan, na nagpaparumi sa katubigan, nakapipinsala sa mga nilalang sa tubig, at nakasisira sa napakaraming uri ng pananim at ang higit na malala pa rito, nagbubuga ang mga sasakyan ng pagkarami-raming carbon dioxide.
Ito ang pangunahing gas na sinasabing dahilan ng pag-init ng globo, na nagdudulot ng iba pang mga panganib sa kalupaan.
Bilang isang drayber na ang ikinabubuhay ay ang paggulong sa lansangan para sa pangangailangan ng pamilya, ano ang maaari mong gawin hinggil sa pagbubuhol ng trapik?
TANGING PARAAN PARA MATAKASAN ANG TRAPIK
Kabilang ka sa libo-libo katao na madalas maipit sa trapik, may magagawa ka upang ingatan ang iyong pisikal at mental na kalusugan.
Ayon sa mapagkakatiwalaang ulat mula sa Land Transportation Office, may ilang paraan upang matakasan ang problemang ito ng mga drayber tulad ng mga sumusunod:
MAGING HANDA. Marami ang nakadarama ng buhol ng trapik bago pa man sila maipit dito tulad ng: tanghali na silang bumangon, nagmamadali silang maligo, magbihis at kumain.
Nababalisa sila kapag naiisip nilang mahuhuli sila sa trabaho. Lalo lamang silang nakadarama ng kaigtingan kapag sumikip na ang trapiko.
Kung alam mong matatrapik ka, mas maaga kang bumiyahe. Kung aalis ka nang mas maaga, baka makaiwas ka pa sa buhol ng trapik.
Ayon sa aklat na COMMUTING STRESS – CAUSES, EFFECTS AND METHODS OF COPPING” ang ‘di gaanong maigting na pagbibiyahe ay nagsisimula sa isang araw o gabi bago ka bumiyahe.
SA GABI PA LANG AY IHANDA NA ANG MGA GAMIT NA KAKAILANGANIN. Ayon pa sa aklat, ihanda na sa gabi ang damit, portfolio, o pangangailangan ng magbibiyahe o ng mga anak upang maiwasan ang pagmamadali sa umaga.
MATULOG NG MAAGA. Mangyari pa, napakahalaga ng sapat na tulog sa gabi. Upang makagising ng maaga, dapat kang matulog ng maaga para hindi ka nangangapa ‘ika nga sa dilim. O nagmamadali sa umaga pagkagising.
ALAMIN ANG MGA LUGAR O DAANG HINDI GAANONG MA-TRAFFIC. Bago rin umalis ng bahay, makatutulong kung aalamin ang mga lugar o daang hindi gaanong ma-traffic at doon dumaan.
Marami nang paraan upang malaman ang mga lugar na traffic at hindi gaya na lang ng paggamit ng waze.
HUWAG SUMABAY SA DAGSA NG TAO. Iwasan din ang pagsabay sa dagsa ng tao nang maiwasan ang matinding traffic. Alamin ang mga oras na sobrang traffic at umalis ng mas maaga. O ‘di kaya ay magpalipas muna ng traffic.
PAKINABANG SA PAGGISING NG MAAGA
Ayon sa Land Transportation Office, maraming pakinabang ang paggising ng maaga. Ang matagal na pag-upo sa sasakyan dahil sa trapik ay maaaring maging dahilan ng pananakit ng kalamnan, anupa’t mahihirapan kang igalaw ang mga ito.
Kung angkop sa kalagayan mo, bakit hindi mag-ehersisyo sa umaga?
Ang regular na programa ng pag-eehersisyo ay makapagpapalusog sa iyo at makatutulong na makayanan mo ang pisikal na stress na dulot ng pagkaipit sa trapik.
Maaari ka ring makakain ng masustansiyang agahan kung babangon ka ng maaga. Kung matatrapik ka at mga finger food lamang ang kakanin mo o walang laman ang iyong sikmura, baka lalo ka lamang makadama ng kaigtingan o stress.
Maaari mong maiwasan ang higit pang kaigtingan o stress kung titiyakin mong nasa kondisyon ang iyong sasakyan.
Wala nang mas nakayayamot pa kaysa masiraan ng sasakyan sa gitna ng buhol-buhol na trapiko.
Lalo nang totoo ito kapag masama ang lagay ng panahon. Kaya wastong ayusin o siguraduhing nasa maayos na kondisyon ang iyong preno, gulong, air conditioner, heater, windshield wiper, defroster at iba pang mahahalagang bahagi ng sasakyan.
LAGING TATANDAAN: Umiwas sa aksidente upang buhay ay bumuti.
HAPPY MOTORING!
Comments are closed.