PINAMUNUAN ni Atty. Noel Kinazo Felongco, chairperson at chief executive officer (CEO) ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), ang kauna-unahang ‘State of the Urban Poor Address’ na idinaos sa Lupang Pangako Phase II, Brgy. Payatas B, Quezon City kanina.
Binigyan-pansin sa SUPA 2018 ang tungkol sa pambansang agenda ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte patungkol sa paglaban sa kriminalidad at korapsiyon, reporma sa lupa para sa mga maralita, pinaigting na serbisyong pangkalusugan at edukasyon.
Bukod dito, ibinida rin ang ‘Build Build Build Program’ ng administrasyong Duterte, na tiyak umanong magpapalakas sa ekonomiya ng bansa at makapag-aangat sa kabuhayan ng maraming Filipino, gayundin ang pagbibigay-halaga sa kalikasan at progressive taxation.
Ayon kay Felongco, isinagawa nila ang SUPA alinsunod na rin sa Executive Order No. 82, na nagsasaad na ang kanilang ahensiya ang siyang magsisilbing tulay ng maralitang tagalungsod sa pamahalaan, sa pagbuo ng mga polisiya at pagpapatupad ng mga proyektong tutugon sa mga pangangailangan ng maralitang tagalungsod.
Dagdag pa niya, pinili nila ang Lupang Pangako Phase II, Brgy. Payatas para sa kanilang SUPA 2018 dahil ang Payatas ang simbolo ng totoong mukha ng maralita sa bansa.
Inilatag din ng PCUP ang kanilang 5-Year Urban Poor Development Plan (UPDP) na nakaangkla sa Philippine Development Plan at Ambisyon 2040 kung saan tinukoy ang mga pagkilos, programa, at polisiya na tututukan ng Komisyon na layunin ang ganap na pagbabago, responsibilidad, respeto at direktang serbisyo sa tao na susuma sa tatlong bahagi: Malasakit, Pagbabago at Patuloy na Pag-unlad.
Mahalagang bahagi rin ng SUPA ang pamamahagi ng Financial Assistance para sa mga benepisyaryo ng ilang mga resettlement sites.
Subalit binigyang-diin ng PCUP chairperson na ang pagbabalangkas ng mga gawain at programa para sa sektor ay hindi lamang solong nakaatang sa kanila o sa alinmang ahensiya.
Bagkus, higit pa umano rito ang pagiging kabahagi ng maralitang tagalungsod sa pagbibigay ng kanilang taya at kongkretong ambag upang mas malawak pang maisakatuparan ang bawat plano tungo sa isang matagumpay na layunin at adhikain.
Dumalo rin sa okasyon sina Commissioners Randy Halasan, Norman Baloro, Romeo Jandugan at Melvin Mitra, mga opisyal ng pamahalaang lungsod ng Quezon at ang partner agencies ng komisyon na may direktang serbisyo para sa mga maralita. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.