PAGPASOK pa lamang ng administrasyon ni Pangulong Duterte noong 2016, isa sa programang inilunsad niya ay ang ‘Build Build Build’.
Ito ay ang paggawa ng mga malalaking proyektong pang-imprastratukra upang maayos ang mga naglulumaang paliparan, daungan at karagdagang mga tulay at highway para mapabilis ang transportasyon na sadyang tutulong sa pag-angat ng ating ekonomiya.
Kasama rito ang pagbuhay sa mga tren na mag-uugnay sa mga lalawigan sa katimugan at hilaga ng ating bansa. Dagdag pa rito ang mga karagdagang light rail transit (LRT) na tutulong sa pagluwag ng trapiko sa mga pangunahing lungsod sa ating bansa. Ang tanong, kumusta na ba ang mga pangakong ito?
Ayon kina presidential adviser on flagship programs and projects Sec. Vivencio ‘Vince’ Dizon at batam-batang Socioeconomic Planning Sec. Karl Kendrick Chua, matatapos na ang 40 na tinatawag na ‘big-ticket infrastructure projects’ sa listahan nila na 119 flagship projects pagsapit ng 2022. Ang nasabing 40 na proyekto ay nagkakahalaga ng P365.2-B.
Paliwanag ni Dizon na 11 sa mga flagship projects na nagkakahalaga ng P126.7 billion ay tapos na.
Samantalang 29 pang proyekto na aabot sa P238.5 billion, ay matatapos bago matapos ang taong 2022 makaraang bumaba sa puwesto si Pangulong Duterte sa ika-30 ng Hunyo sa susunod na taon.
Dagdag pa ni Dizon, may 51 projects na nagkakahalaga ng P3.3 trillion ay kasalukuyang ginagawa at maaaring matapos sa taong 2023 pataas. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na masusing proseso ang pinagdaanan ng mga ganitong klaseng malalaking proyekto ng gobyerno tulad ng tinatawag na ‘detailed engineering, design preparation, procurement, budgeting and financing.’
Samantalang may 28 mga proyekto na nagkakahalaga ng P1.1 trillion ang nakapila na rin para sa implementasyon o mas tintawag na ‘flagship pipeline’. Umaasa na lamang si Sec. Dizon na kung sino man ang mahahalal na pangulo sa eleksiyon sa 20200 ay maipagpatuloy ang nasabing mga nakabimbing proyekto.
Ayon din kay National Economic and Development Authority (NEDA) Sec. Chua, ilalabas nila sa mga susunod na buwan ang ilan sa ‘flagship projects’ na nagkakahalaga ng P4.7 trillion na aprubado na Neda Board noong ika-17 ng Mayo.
Sa mga nakalista sa ‘Build Build Build’ na programa ni Pangulo Duterte ay may lima na maituturing na pinakamalaking proyekto na hinihintay pa ng sambayanan na matapos. Ang mga ito ay ang P735.7-billion New Manila International Airport sa Bulacan ng San Miguel Corp. (SMC) sa pamamagitan ng public-private partnership at ang P628.4-bllion North-South Commuter Railway Extension. Ito ay ang Philippine National Railways [PNR] North 2 sa pagitan ng Bulacan at New Clark City.
Kasama rin dito ang South Extension mula Manila hanggang Calamba, Laguna. Ang P356.9-billion Metro Manila Subway Project Phase 1 na utang mula sa Japan. Ang P175.3-billion PNR South Long Haul mula Metro Manila hanggang Bicol Region at ang P149.1-billion North-South Commuter Railway (PNR North 1) between Tutuban, Manila, and Malolos, Bulacan.
Tulad ng sinabi ko, lima pa lamang ito sa mahigit sa isang daang proyektong pang- imprastraktura. Sa totoo lang ay matagal na dapat naisagawa ito. Napag-iwanan na tayo ng mga kapitbahay nating mga bansa sa Asya. Sabi ko nga, sobrang politika at korupsiyon ang salarin sa mahinang pag-angat ng ating bansa.
Dagdag pa rito ay tinamaan pa tayo ng pandemya na nagpatigil sa ating ekonomiya at nasabing mga proyekto. Sana ay magkaisa na tayo para sa bayan. Marami tayong maitutulong sa ating bansa upang hindi bumagsak ang ating ekonomiya. Isa na rito ay sa pagiging hindi pasaway laban sa COVID-19.
Malaking bagay kasi kapag malagpasan natin ang pandemyang ito upang bumalik na tayo sa normal na pamumuhay at kalakaran. Kung may pagkakataon na magpabakuna sa inyong barangay, gawin na ito.
Huwag nang maging mapili sa klase ng bakuna. At habang wala pang bakuna, umiwas sa matataong lugar at palaging maghugas ng kamay at magsuot ng face mask at face shield.
Comments are closed.