BUILDING PERMIT NAKA-ONLINE NA

Emi Calixto-Rubiano

INILUNSAD kahapon ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang building permit application online service na magpapadali at magdudulot ng ka­ginhawahan sa mga transaksiyon na may kinalaman sa pagpapagawa ng kani-kanilang establisimiyento sa lungsod.

Pinangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang paglulunsad ng naturang modernong serbisyo para sa mga residente ng lungsod.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ilang araw pa lamang ang nakararaan ay inilunsad na rin ng lokal na pamahalaan ang online business permit re-newal system sa inis­yatibo naman ng tanggapan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO).

“Ang programang ito ay bahagi pa rin ng patuloy na pagpapalawig ng pagseserbisyo ng iba’t-ibang departamento ng lokal na pamahalaan bago pa man maranasan sa bansa ang pandemya na dulot ng COVID-19 upang mas mapadali pa ang proseso ng pakikipagtransaksyon sa pagkuha ng building permit sa lungsod,” ani Calixto-Rubiano.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na ang bagong online services ng lungsod na nasimulan na noon pang panahon ng panunungkulan ng kanyang nakatatandang kapatid na si Congressman Antonino Calixto ay magiging madali na dahil hindi na kailangan pang magtungo sa city hall ng mga residente dahil magagawa na nila ang pag-aaply nito online dulot na rin ng makabagong teknolohiya.

Sinabi din ni Calixto-Rubiano na ang online services na ito ng lokal na pamahalaan ay kaakibat sa pangunahing intensiyon ng Republic Act No. 11032 (Ease of Ding Business and Efficient Go­vernment Service Delivery Act of 2018) kung saan si Calixto-Rubiano ang naging principal author nito noong siya ay naging congresswoman ng lungsod.

Ipinaliwanag naman ni City Engineer Edwin Javaluyas, magtatagal lamang ang encoding ng building permit application ng 5 hanggang 10  minuto na agad namang i-aassess ng naturang tanggapan at kung kumpleto ang mga requirement na isinumite ay agad na mairerelis ang naturang permit ng hanggang limang araw mula sa araw ng ma-encode ang kanilang aplikasyon.

Idinagdag pa ni Javaluyas, ang proyektong ito ay naisakatuparan sa pakikipag-partnership sa Geodata Solutions, Inc., isang kumpanya ng information technology na siya ring system provider ng naturang programa.

Maaring makita o ma-access ang online building permit application sa https://eodbbuilding.pasay.gov.ph. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.