BUKBOK SA IMPORTED NA BIGAS

PINAGPAPALIWANAG  ng Palasyo ng Malakanyang  ang National Food Authority (NFA) kung bakit umabot sa puntong nagkabukbok na ang mga inangkat na bigas ng ahensiya.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, na bagamat nakausap na ng NFA si Pangulong Rodrigo Duterte, marami pa rin itong dapat ipa­liwanag.

Hindi kontento ang Malakanyang sa paliwanag ng NFA na may remedyo pa ang bukbok sa bigas.

Nauna nang ipinaliwanag ng NFA na binukbok ang bigas dahil hindi agad nadiskarga ang mga ito mula sa barko at ito ay pananagutan pa rin ng nagbenta.

Iginiit  ng ahensiya na  ligtas pa ring kainin ang nasabing bigas basta pausukan lamang para mawala ang bukbok.

Ayon naman kay Roque, hindi katanggap-tanggap ang palusot ng NFA at sinabihang hindi na dapat maulit ang nasabing insidente.

Nakitaan ng mga bukbok ang ilang sako ng inangkat na bigas ng NFA na nasa Subic Bay Freeport Zone at pantalan ng Tabaco City, Albay.

Sinabi ni NFA Spokesperson Rex Estopacio, nasa 133,000 sako ng bigas ang posibleng apektado.

Wala munang ibinaba mula sa barko dahil kaila­ngang isailalim ang bigas sa fumigation o pagpapausok ng mga gamot para mapuksa ang mga insekto.

Pito hanggang 12 araw ang kailangang hintayin bago mapatay ang mga bukbok.

Nilinaw  ng NFA na natural lang na magkaroon ng mga bukbok ang mga bigas pero dapat ay mapatay muna ito bago dalhin sa mga bodega nila.    NENET VILLAFANIA

Comments are closed.