BUKOD KAY ATE VI, SHARON CUNETA SUMUPORTA RIN KAY SEN. GRACE POE

Grace poe

LALONG lumakas ang kandidatura ni Senadora Grace Poe nang magpakita ng suporta sa kanya si megastar Sharon Cuneta kasunod ng pahayag ng lubos na pagsuporta sa kanya ni Batangas Representative Vilma Santos-Recto kamakailan.

Sa kanyang Instagram account, sinabi ni Cuneta: “Sen. Grace Poe has my full support and my heart. May God bless you, Senator!”

Sumagot naman si Poe ng “Maraming salamat sa pagtitiwala at pagmamahal ng nag-iisang Megastar, Ms. Sharon Cuneta!.”

Nauna rito, nangako si Poe na magtutulak siya ng mas maraming batas na magpapabuti sa kapakanan at kabuhayan ng mga Fili-pinong naninirahan sa mga probinsiya.

Ito ang binitawang pahayag ni Poe sa pagbisita nito sa lalawigan ng Batangas kasama ang suporta nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, asawa ng kongresistang si Vilma Santos-Recto at Gobernador Hermilando Mandanas. “Sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng lehislatura, magsusulong tayo ng mga batas, polisiya at programang magpapayaman sa buhay ng mga Batangueño at iba pang kababayan natin sa mga lalawigan,” sabi ni Poe.

Nagpahayag naman ng malaking suporta si Ate Vi kay Poe na nagmula rin sa industriya ng entertainment tulad ng ama nitong si Fernando Poe Jr. o FPJ.

“Malaki ang iniangat ng kalidad ni Sen. Poe bilang lider mula nang magbalik sa bansa para ilaban ang kanyang ama na naging biktima ng Dagdag-Bawas sa halalang pampanguluhan noong 2004,” ani Ate Vi. “Ang pagpapakita niya ng malasakit sa mga kabataan at bata ay tunay at totoong ipaglalaban niya ang mga probinsiya para umangat ang buhay.”

Kahit matagal nang namayapa si FPJ, hindi naman kumukupas ang kanyang mahika sa pag-iikot ni Sen. Poe sa mga kanayunan.

Sa pagbisita ni Sen. Poe sa Lucena City sa Quezon kamakailan, mainit siyang sinalubong ng mga residente roon lalo na ang mga tagahanga ng kanyang namayapang ama.

Matatandaan na tumakbo noong 2004 presidential elections si FPJ subalit tinalo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Makalipas ang 15 taon, patuloy na naninindigan si Sen. Poe na ninakaw ang panguluhan sa kanyang ama.

Sinabi ni Poe na nag-iingat siya sa mga desisyon sa politika dahil sa bitbit niya ang reputasyon ng kanyang ama kaya’t ayaw ni-ya itong dungisan.

Ayon naman kay political strategist Perry Callanta ng STORM, malakas pa rin ang mahika ni FPJ kaya laging nangunguna si Sen. Poe sa halos lahat ng lumabas na survey.

Ganito rin ang opinyon ng isa pang political strategist na si Janet Porter ng Cavite na nagsabing kahit matagal nang yumao si FPJ ay buhay na buhay sa alaala ng mga botante ang kadakilaan nito sa mga pelikula.