NAGING napakalaking pagsubok sa ating pamumuhay ang pandemyang dulot ng COVID-19 — ang buong mundo ay naging saksi rito.
Kung paanong ang bansa ay nakibaka upang mapigilan ang pagkalat ng virus at masuportahan ang pagbangon ng ating ekonomiya ay dapat nating ipagpasalamat sa mga idinulot ng mga ipinatupad na protocol, lalong-lalo na sa tulong ng ating mga medical frontliner na dalawang taong lumaban at nagtrabaho sa pagpuksa nito.
Bukod dito, ang pagkakaroon ng isa na namang bagong gamot kontra sa virus ay isa na namang bagong bagay na ipagpapasalamat natin sa kanila.
Noong kalagitnaan ng taon, inanunsiyo ng pharmaceutical companies na Merck at Pfizer na sila ay nakagawa ng antiviral pill laban sa COVID-19 at pinaniniwalaang epektibo sa pagbababa ng kalubhaan na maaaring maidulot na panganib sa buhay.
Ayon sa Pfizer, ang tableta nitong tinawag na Paxlovid ay may efficacy rate na 89 porsiyento, samantalang ang pill naman ng Merck ay may 50 porsiyentong effectivity rate.
Higit pa rito, ang mga gamot na ito umano ay kayang labanan ang Omicron variant na pinaniniwalaang mas malakas, mas madaling makahawa, at hindi tinatablan ng mga umiiral na bakuna kaya gayon na lamang ang takot ng mga bansa na nagtulak sa kanila upang muling isara ang kanilang mga land border para sa mga hindi residente.
Nauna na ang United Kingdom sa pagbili ng naturang gamot mula sa Merck at Pfizer matapos maaprubahan ng kanilang medicines regulator ang mga gamot na ito, na sinundan naman ng 14 pang bansa, kabilang na ang Pilipinas.
Sa ngayon, inaasahan nating dadating ang 300,000 COVID pills na gawa ng Merck bilang suplemento sa ating pagrekober.
Kalakip ng patuloy na agresibong vaccination program, higit akong naniniwala na mas bibilis na ang pagbangon ng ating ekonomiya kaya naman dapat lamang na pursigihin ng pamahalaan ang pagbili sa mga COVID-19 drug na ito.
Kung ating iisipin, ang kasalukuyang estado ng ating pamumuhay ay dapat nating ipagpasalamat sa mga bakunang ating natanggap sapagkat patuloy nitong pinabababa ang average daily infection rate ng Pilipinas. Kung noo’y para tayong bilanggo sa ating mga tahanan, ngayon ay pinapayagan na tayong lumabas kahit pa para sa mga hindi mahahalagang bagay.
Naging saksi rin ang lahat sa kung paano naging agresibo ang ating pamahalaan sa vaccination program. Gayunpaman, tila kailangan pa rin natin ang patuloy na pagiging agresibo dahil kung ating titingnan ang huling datos, ang bilang ng mga nabakunahan na laban sa COVID-19 ngayon ay nasa 90.2 milyo na, ngunit ang bilang ng mga fully vaccinated na indibidwal ay nasa 37.3 milyon pa lamang.
Kung ating susumahin, marami pang mga Pilipino ang kailangang ma-fully vaccinate upang makamit ang ating minimithing herd immunity target, kaya kailangan pa ng gobyerno na paigtingin ang kanilang programa sa pagbabakuna.
Para sa mga hindi pa bakunado, huwag na kayong magdalawang-isip pa at maniwala sa mga haka-haka. Ang mga bakuna ay sumailalim sa siyensiya kaya tayo ay makasisiguro na ang mga ito ay epektibo at ligtas. Huwag na nating hintayin pa ang mga variant-specific na bakuna. Kung ano ang mayroon ay dapat na nating samantalahin.
Kung ating matatandaan, sinabi na rin noon ng ilang mga eksperto na ang mga bakunang ito ay maaaring hindi epektibo sa pagpuksa ng Delta variant, ngunit dama naman natin ngayon kung paanong ang bakunang ito ay ang susi sa pagbaba ng infection rate sa 500 kada araw mula sa noo’y humihigit 20,000 mga kaso.
Ngayong niluwagan na ng pamahalaan ang mga requirement at tinatanggap na rin naman ang mga walk-in applicants, wala na marahil pang pwedeng maging dahilan upang hindi ito samantalahin.
Tayo ay lumalaban hindi lamang para sa ating sarili kundi para sa buong bansa. Ang ating kooperasyon ay higit na kailangan sa pagkamit sa economic recovery at pagiging COVID-free na Pilipinas.