MAKARAAN ang pagsusumite ng courtesy resignation (CR) ng mga full police colonel at general, isasailalim naman sa lifestyle check ang mga ito, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr.
Paliwanag ni Azurin, ang lifestyle check ay bahagi ng pagsisikap ng 5-man committee na siyang mag-a-assess sa courtesy resignations ng mga matataas na opisyal ng PNP pagbabasehan ng rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Hanggang nitong Martes, nasa 500 matataas na opisyal ng PNP ang nagsumite na ng courtesy resignation, ngunit hindi malinaw kung kasama sa mga ito ang umano’y sampu na sangkot sa illegal drug trade.
Ang submission ng CR ay maaaring gawin hanggang Enero 31 habang ito ay boluntaryo at walang pilitan, ayon kay Azurin.
Pagtitiyak din ng PNP chief na isang test of character ang hakbang upang sumailalim sa ebalwasyon ng 5-man committee at ma-clear sa anumang alegasyong iregularidad.
Una nang sinabi ni Azurin na 22 ang listahan na kanilang hawak para maging bahagi ng 5-man committee habang isa sa mga ito ang kumpirmadong si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na dating pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group at Deputy Chief for Operations sa PNP. EUNICE CELARIO/ VERLIN RUIZ