HINDI palalampasin ng National Task Force for the West Philippine Sea ang pangha-harass ng Chinese Coast Guard (CCG) nang gamitan ng water cannon ang Philippine Coast Guard (PCG).
Kung kaya’t panibagong “Note Verbale” ang inihain ng pamahalaan sa China kaugnay sa huling insidente ng panghihimasok at paggamit ng dahas ng CCG sa isang chartered vessel ng PCG para maghatid ng supply sa mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa may Ayungin Shoal na mahigit isang daang kilometro lamang ang layo mula Palawan.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hanggang nitong Linggo ay umaabot na sa 444 diplomatic protests ang inihain ng Pilipinas laban sa China kaugnay sa serye ng illegal activities ng China sa West Philippines Sea (WPS) mula 2020 hanggang sa kasalukuyang administrasyon na may 76 na naihain.
Kaugnay nito, sinabi ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na patuloy na papanindigan ng Pilipinas ang soberanya nito sa West Philippine Sea.
Kinumpirma ng Pangulo na nagdala na nang bagong note verbale si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.
Sa panayam kay Pangulong Marcos kahapon sa Bulacan, sinabi nito na kasama ng note verbale ay mga larawan at video ng nangyaring pambobomba ng tubig ng CCG barko ng CCG sa barko ng PCG magdadala sana ng suplay.
Sinasabing pangungunahan ng Pangulong Marcos ang isang command conference kasama ng National Task Force for the West Philippine Sea at iba pang mga kaukulang ahensya ng gobyerno para pag-usapan kung ano ang susunod na hakbang na gagawin hinggil sa nasabing insidente.
Ang NTF-West Philippine Sea ay nilikha upang itaguyod ang soberanya at interes ng bansa sa West Philippine Sea.
Pinamumunuan ang task force ng National Security Advisor bilang Chairman habang mga kasama dito ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police Maritime Group (PNP-MG) at iba pang kinauukulan ahensya. VERLIN RUIZ