BUKOLYTE, SARILING ATIN AT GAWANG PINOY

KILALA ang niyog na namumunga ng tinatawag na “buko,” isang sariwa at bata pang prutas na malambot ang laman.

Napagkukunan ang bunga ng niyog ng gata at sabaw ng buko.

Kamangha-mangha ang niyog na may tubig na nagsisilbi bilang isang likas na masustansyang inumin ng mga ninuno natin higit 4,000 taon na ang nakararaan.

Tinaguriang “tree of life” ang puno ng niyog at itinuturing na isa sa major crops ng bansa.

Paano naman kasi, nagagamit ito bilang langis, pagkain at inumin, medisina, sa konstruksyon, at marami pang iba.

Ginawa pa nga raw itong banal ng mga reyna ng kagandahan noong antigong panahon.

Marami itong benepisyo dahil maaari nitong ma-hydrate ang katawan kapag kinakailangan.

Nagliligtas din daw ito ng maraming buhay.

Sabi nga, ang modernong siyensya ay ngayon lang daw nagsimula upang patunayan ang mga pinaniniwalaan ilang libong taon na ang nakalipas.

Ang likido o sabaw ng buko ay sinasabing kamangha-manghang gamot.

Isa sa mga produktong gawa mula sa niyog ay ang “buko juice” na isa sa mga paborito sa Pilipinas.

Tunay na masarap at nakaka-refresh ito.

Katunayan, kahit saang kalye ka pumunta, may makikita kang nagtitinda ng buko.

May naglalako nito, kahit saang parte ng bansa.

Kahit sa mga gilid ng mga pinaka-eleganteng restoran ay may mga nagtitinda na rin ng buko.

Nagmula ang buko juice sa tubig ng buko at laman ng batang niyog na ang ilan ay hinahaluan ng gatas at asukal.
May mga gumagawa na rin nito ng kakaibang twists.

Kung ano-anong inihahalo sa buko at kung hindi ako nagkakamali, ini-export na rin ang mga buko juice na gawang Pinoy.

Maging ang Food Processing Innovation Center – Davao (FPIC-Davao) ay nakaisip din ng kakaibang produkto na gawa rin ng buko.

Kamakailan ay ipinakilala sa publiko ang “Bukolyte” na isang instant (young) coconut powdered drink.

Isang alternatibo raw sa fruit juices sa mga pamilihan ang “Bukolyte” dahil wala itong artificial flavor at preservatives.

Iisipin mo pa lang, nakakauhaw na.

Sa pagkakaalam ko, ginawa ang produkto bilang “on-the-go” hydration.

Ang maganda kasi rito, makakainom ka ng tubig ng niyog kahit saan at kahit kailan kung saan tadtad din ito sa health benefits.

Akalain mo, sagana ito sa sustansya at maaaring panlaban sa dehydration bunsod ng taglay nitong apat na electrolytes na siyempre’y kinabibilangan ng potassium, sodium, calcium, at magnesium na kailangan ng ating katawan.

Nabanggit naman ng Department of Science and Technology (DOST) na nabuo raw ang produktong ito sa pamamagitan ng spray-drying technology.

Sa teknolohiyang ito, kayang gawing powder ang liquid extract ng prutas habang napapanatili naman daw ang mga sustansyang taglay nito.

Ang “Bukolyte” na binuo ng FPIC-Davao, sa pagsasanib-pwersa na rin ng DOST XI, Philippine Women’s College Davao, Department of Trade and Industry XI, Davao City LGU, at Food Processors Association of Davao, ay inilunsad kasabay ng 2021 National Science and Technology Week sa isang mall sa lungsod ng Davao kamakailan.

Nakaka-proud na may ganyan na tayong teknolohiya at produkto na puwede nating ipagmalaki sa mundo.

Mabuhay po kayo at God bless!