BUKSAN NA ANG PINTUAN NG MGA ARENA

BACK to normal na ba, mga kapatid?

Kung pagbabasehan ang pagbabalik ng trapiko sa lansangan, partikular sa EDSA, walang duda na balik na sa dati ang lahat. Malaking porsiyento ng paggawa ang balik na rin sa mga pabrika, pagawaan, opisina at sa malls.

Humaharurot na muli ang mga jeepney. Wala na ring curfew, maliban sa mga kabataan na tama lang naman na manatili sa kanilang mga tahanan. Ngayon na mababa na rin ang bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19, mas kumpiyansa na ang sambayanan na dagdagan ang kanilang mga kilos. Nararapat lamang na balansehin ang kalusugan at ang kabuhayan ng madlang people.

Para nga kay Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, gayong nababalewala na ang Joint Administrative Order (JAO) na ginagamit  ng Inter-Agency Task Force (IATF) na basehan para mapayagan ang pagbabalik ng ilang sports, buksan na nang todo ang pintuan ng professional sports o maging sa amateur. Basta, huwag lang pabayaan at sundin ang masinsin na safety and health protocols.

Ang pagbibigay ng mababang alert level sa Kamaynilaan, maging sa ilang mga lalawigan sa buong bansa ang naging batayan ng mga lokal na pamahalaan na magdesisyon para sa aktibidad sa nasasakupang lugar. Nabasura na ang JAO sa pagbubukas ng isang liga sa Subic. Tsk. Tsk. Tsk.

Nakababahala lamang, tila hindi naman nababantayan ang liga dahil labas-pasok sa ‘bubble’ set up ng FilBasketball ang mga indibidwal na sangkot dito. Huwag naman sanang pagmulan ito ng matinding hawaan.

Kung kumbinsi sa LGU, dapat nang luwagan ang mas maraming aktibidad sa sports.

Kating-kati na ang ‘bayang karerista’ para punuin ang race track. Gumagaralgal na ang tinik ng mga ‘Kristo’ sa patuloy na pagsasara ng mga sabungan. Balik na sa normal ang sitwasyon para makabangon ang ekonomiya ng bansa. Napapanahon na ring ibalik ang sports. Pagbigyan na ang ‘live audience’ at hayaang makapaglibang ang Pinoy mula sa masalimuot na nakaraan dulot ng lockdown at quarantine sanhi ng pandemya.

Matindi na rin ang pangangailangan ng mga atleta, higit yaong mga professional athletes na makabalik sa hanapbuhay. Hindi makakilos ang malalaking promoter, higit sa combat sports at boxing dahil mailap ang sponsorship kung walang ‘live audience’ sa arena.

Hayaang makapaghanda ang atletang Pinoy para sa pagsabak sa international tournament. Bigyan na ng pagkakataon ang propesyunal na atleta na makapaghanapbuhay. Disiplinado ang mga atleta, alam nila ang dapat gawin para makaiwas sa anumang banta ng pandemya.

vvv

(Para sa reaksiyon at suhestiyon, ipadala sa [email protected])